ni Ryan Sison @Boses | Dec. 30, 2024
Dahil tradisyon na ng mga Pilipino na tuwing sumasapit ang Bagong Taon ay naghahanda ng 12 hanggang 13 bilog na prutas, siguradong kamot-ulo na lang ang gagawin ng marami sa pagtaas ng mga presyo nito sa mga pamilihan.
Kaya naman hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na tangkilikin ang mga prutas na galing sa mga local farm, kung saan inaasahan din ang paglobo ng demand nito sa ganitong mga panahon.
Ayon kay DA Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa, ito ay para matulungan ang ating mga magsasaka na maibenta naman ang kanilang mga produkto.
Aniya, ini-expect na nila ang pagtaas ng presyo ng mga prutas simula ngayong araw hanggang bago mag-January 1, 2025.
Iginiit ng kalihim na sa halip na mga imported fruits ang bilhin, piliin na lamang ang mga prutas na nanggaling sa mga local farm bilang tulong na rin sa industriya ng pagsasaka sa ating bansa.
Sinabi naman ng mga fruit vendor sa ilang mga palengke sa Metro Manila na ilang mga supplier na rin ang nagtaas ng presyo ng kanilang mga prutas habang inaasahang pa itong tataas hanggang Bagong Taon. Nasa tinatayang P10 hanggang P20 ang pagsirit ng halaga sa mga piling bilog na mga prutas. Anila, ang pinakamabentang prutas ay ang mansanas na may presyong mula P100 kada 3 piraso, ponkan na nasa P10 hanggang P35, at ubas sa halagang P200 hanggang P400 kada kilo.
May ilang vendor na rin ang nag-aalok ng mga basket na may assorted fruits na naglalaro naman sa halagang P500 hanggang P1,250 na ibinebenta.
May katuwiran ang kagawaran sa apela nilang sa halip na imported fruits ang ating bilhin ay mainam na lokal na prutas ang ating ihatag sa hapag-kainan.
Kung tutuusin kasi ay mas mura ang mga local fruits gaya ng chico, papaya, mangga, pinya, bayabas at marami pang iba, kumpara sa imported na grapes, apples, oranges na talagang napakamahal ng presyo, kaya naman mas tamang mga prutas na lamang na galing sa atin ang ating hanapin at bilhin.
Tutal, gusto nating gawin ang tradisyong ito ng mga Pinoy, mas mabuting 12 bilog na lokal na prutas na lamang ang ating ihain sa ating mesa para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa ganitong paraan, tinangkilik na natin ang sariling atin ay nakakatulong pa tayo sa ating mga kababayang magsasaka.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments