top of page
Search
BULGAR

Lockdown at pagtaas ng COVID-19 cases, hamon sa vaccination program

ni Ryan Sison - @Boses | August 19, 2021



Bagama’T tuloy ang national vaccination program sa kabila ng mahigpit na quarantine restrictions, kapansin-pansin ang ilang pagbabago sa takbo ng pagbabakuna.


Mapapansing bumagal ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa nakalipas na linggo kahit tumataas na bilang ng nahahawaan at mas mahigpit na quarantine restrictions.


Base sa datos ng gobyerno, 475,304 lang ang average na naiturok na COVID-19 vaccine doses kada araw mula Agosto 9 hanggang 15, na mas mababa kumpara sa 516,601 noong Agosto 2 hanggang 8.


Gayunman, ito ang ikalawang sunod na linggo na nakapagtala ng pagbagal sa pagbabakuna kahit target ng gobyernong sulitin ang pagpapatupad ng mga lockdown sa ilang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng vaccinations.


Samantala, paliwanag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., bukod sa pagbabakuna, abala rin ang maraming lokal na pamahalaan sa pagtugon sa tumataas na mga kaso ng COVID-19 at pamimigay ng ayuda sa mga residenteng apektado ng lockdown.


Tulad sa sa Navotas City, pansamantalang isinara ang isa sa pitong vaccination sites dahil may ilang personnel na nagpositibo sa COVID-19 o naging close contact. Habang sa Marikina, nasa 10,000 muna ang target bakunahan ng unang dose hanggang mula sa target na 15,000 katao noong nakaraang linggo.


Sa Las Piñas, iniakyat sa 8,000 ang target bakunahan kada araw mula sa dating 5,000 at sa Maynila, nananatili sa humigit-kumulang 35,000 doses kada araw ang nababakunahan.


Sa higit 42.5 milyong COVID-19 vaccine doses na dumating sa Pilipinas, 28.3 milyon ang naiturok na, kung saan nasa 12.7 milyong indibidwal na ang fully vaccinated sa bansa, habang 15.5 milyon naman ang partially vaccinated.


Bagama’t nauunawaan natin ang mga karagdagang problema na dala ng pandemya, wala naman tayong choice kundi harapin ang mga ito upang patuloy ding matugunan ang mga pangunahin nating suliranin.


At siyempre, ang unang problema ay ang kakulangan ng suplay ng bakuna. Ngunit sa linggong ito, may inaasahang doses ng bakuna at sana lang ay mabilis itong maipamahagi sa mga lokal na pamahalaan at maiturok sa publiko.


Hangad nating maipagpatuloy ang national vaccination program sa kabila ng mga problemang ito dahil sa ngayon, ito ang inaasahan nating panlaban sa virus.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page