top of page
Search
BULGAR

Local Universities and Colleges, pangalawang tahanan ng kabataan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 2, 2023

Nagiging sagabal sa pamumuno ng mga local universities and colleges o LUCs ang pagpapalit ng mga school officials dahil sa kada tatlong taong eleksyon. At dahil dito ay hindi tuluy-tuloy na naipapatupad ang mga polisiya at kinukulang din ng pondo at iba pang resources, ayon sa isang policy note ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS). Kaya hanggang ngayon ay nananaig pa rin ang mga hamon sa kalidad at pamamahala ng mga pamantasan at kolehiyong ito.


Mahalaga ang papel ng mga LUC sa pagbibigay ng abot-kayang edukasyon sa ating mga kababayan at sa pagpapaunlad ng ating mga lungsod. Kailangang suportahan natin sila sa kanilang pagsisikap na maghatid ng dekalidad na edukasyon at siguraduhin na meron silang maayos na pamunuan, lalo na’t umakyat ang bilang ng mga LUC sa 143 o 34 porsyento ngayong taon mula sa 107 noong 2018. Isa sa mga pangunahing layon ngayon ng mga LUC ay ang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kolehiyo.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, inihain ng inyong lingkod ang panukalang batas na Local Universities and Colleges Governance Act (Senate Bill No. 2445) na layong iangat ang kalidad ng pamamahala at edukasyon sa mga LUC.


Sa ilalim ng ating panukala, itatakda ang mga mandatory guidelines o pamantayan sa paglikha ng mga LUC. Bago ipasa ang isang ordinansa na lilikha sa isang local university o college, magiging mandato sa mga lokal na pamahalaan na kumuha muna mula sa Commission on Higher Education (CHED) ng institutional recognition (IR) bilang higher education institution (HEI). Ang IR ay ang proseso kung saan kikilalanin ng CHED ang isang paaralan bilang isang HEI at saka rito matitiyak ang pamantayan ng dekalidad na edukasyon.


Kabilang sa magiging mga requirements na ito ang feasibility study, certification of availability of funds mula sa local treasurer, project development plan, at five-year institutional development plan. Ang mga maitatayong LUCs batay sa mga pamantayang nakasaad sa panukalang ito ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o free college education law.


Nakasaad din sa ating panukalang batas ang Board of Regents. Pamumunuan ito ng alkalde kung saan siya ang magiging pinakamataas na pamunuan ng isang local university o college. Ang pangulo ng LUC naman na namumuno sa pagpapatakbo ng paaralan ang magiging vice chairperson. Kailanga’y may doctoral degree ang pangulo ng LUC sa education o iba pang angkop na larangan. Tatlong taon ang magiging termino ng pangulo at maaari siyang ma-reappoint ng hindi lalagpas sa dalawang termino.


Nakasaad din sa panukala na dapat may pahintulot ang LUCs mula sa CHED bago mag-alok ng mga academic programs. Ayon sa CHED, 41 sa 143 na LUCs ang kasalukuyang walang pormal na pagkilala mula sa Estado. Sa 102 na mga LUCs na may institutional recognition, 35 porsyento ang walang program compliance. Ibig sabihin, hindi nakaayon sa mga polisiya, standards, at guidelines ang mga programang ito.


Ang LUCs ay nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga kabataan. Katuwang sila ng mga magulang upang mahubog at maitaguyod ang mga prinsipyo, asal, moral, pag-uugali at kasanayan ng mga kabataang mag-aaral. Kaya naman mahalaga na matiyak nating sapat ang access sa mga ito.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page