ni Lolet Abania | April 26, 2022
Nakatakdang magsagawa ng absentee voting para sa mga indibidwal na naka-duty sa araw mismo ng eleksyon, Mayo 9, 2022, na magsisimula sa Miyerkules, Abril 27.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), nasa 84,357 botante ang pinayagang maka-avail ng local absentee voting (LAV), na tatagal hanggang Biyernes, Abril 29. Subalit, hindi naaprubahan ang mga aplikasyon ng 9,341 indibidwal dahil sila ay hindi nakarehistro o kaya naman ay deactivated na ang mga ito.
Batay sa Comelec, may kabuuang 93,698 military, police, government at media personnel ang nag-apply sa LAV para sa 2022 elections.
Ang mga local absentee voters naman ay manual na boboto para sa national positions: pangulo, bise presidente, mga senador at party-list.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang pagboto ng mga military, police at government personnel ay isasagawa ng head ng kani-kanilang mga opisina.
“He will be the one to distribute to the local absentee voters their ballots, then the voters will accomplish the ballots,” saad ni Garcia.
Kapag natapos nang i-fill up ang balota, ibabalik ng voter ang balota sa office head. Ang office head ang naatasang magkolekta ng lahat ng envelopes na naglalaman ng accomplished ballots at ita-transmit ito sa Comelec Election Contests Adjudication Department (ECAD).
Samantala, sinabi ni Garcia na ang mga media personnel na nag-avail ng LAV ay boboto sa Regional Election Director-National Capital Region (RED-NCR).
Ang mga LAV votes ay bibilangin kasama ng mga boto na gagawin sa Mayo 9.
“The counting and canvassing of votes on May 9 at 7 p.m. will be done by the CLAV (Committee on Local Absentee Voting) at the 3rd & 4th floors of the Bureau of Treasury sa Palacio del Gobernador,” ani Garcia.
“All candidates will be notified so they can send their watchers to observe,” sabi pa ng opisyal.
Sina Comelec Chairperson Saidamen Pangarungan at Commissioner Aimee Neri ay kabilang sa mag-a-avail ng LAV. Sila ay boboto sa Comelec main office sa Intramuros, Manila.
Kommentare