@Buti na lang may SSS | July 7, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Mayroon akong SSS salary loan sa previous employer ko at hindi ko ito naipakaltas sa aking kasalukuyang employer. Dahil dito, hindi ko nabayaran ang aking loan mula noong 2018. Kaya nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? Salamat.
— Simon, Mandaluyong City
Mabuting araw sa iyo, Simon!
Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) upang tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, Simon, ang babayaran mo na lamang ay ang prinsipal at interes kung saan maaari itong bayaran nang buo o one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse sa pamamagitan ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng iyong pagkakautang.
Para sa kapakanan ng ating mga miyembro, heto ang talaan ng halaga ng pagkakautang at haba o payment terms na kinakailangang sundin para sa pagbabayad ng kanilang mga loan:
Consolidated Loan Remaining Balance | Maximum Term |
Above P5,000 to P10,000 | 6 months |
P10,001 to P18,000 | 12 months |
P18,001 to P36,000 | 24 months |
P36,001 to P54,000 | 36 months |
P54,001 to P72,000 | 48 months |
More than P72,000 | 60 months |
Kinakailangan lamang Simon, na matugunan mo ang mga sumusunod na kondisyon:
mayroon kang hindi nabayarang short-term member loan hanggang sa araw ng iyong aplikasyon sa nasabing programa;
hindi ka pa nabibigyan ng final benefit claim tulad ng permanent total disability o retirement benefit;
hindi ka na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS; at
mayroon kang aktibong account sa My.SSS.
Hindi mo na rin kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari mo na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin mong may account kang nakarehistro na sa My.SSS.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments