@Buti na lang may SSS | October 2, 2022
Dear SSS,
Magandang araw. Mayroon akong SSS salary loan sa previous employer ko at hindi ko ito naipakaltas sa aking kasalukuyang employer. Dahil dito, hindi ko nabayaran ang aking loan mula noong 2018. Nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? - Arlyn ng La Loma, Quezon City
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Arlyn!
Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo ng SSS, magkakaroon ng bagong loan penalty condonation program para sa mga miyembro na hindi nabayaran ang kanilang mga pagkakautang sa SSS. Layunin ng Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program na mapagaan ang pagbabayad ng kanilang past-due loans sa SSS na wala nang kaukulang penalties o multa. Sa halip ay ang komputasyon na lamang ng original o principal amount at interest ang sisingilin sa ilalim ng programang ito.
Simula sa Setyembre 30, tatanggap na ang SSS ng aplikasyon para sa loan penalty condonation program.
Ang nasabing programa ay naglalayong matulungan ang mga miyembro na may mga pagkakautang sa SSS na maibalik ang kanilang good standing. Sakop nito ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans, tulad ng Loan Restructuring Program (LRP).
Samantala, Arlyn, ang babayaran mo na lamang ay ang prinsipal at interest kung saan maaari itong bayaran nang buo o one-time full payment o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse sa pamamagitan ng installment sa loob ng hanggang 60-buwan o limang taon, depende sa halaga ng iyong pagkakautang.
Para sa kapakanan ng ating mga miyembro heto ang talaan ng halaga ng pagkakautang at haba o payment terms na kinakailangang sundin para sa pagbabayad ng kanilang mga loan:
Consolidated Loan Remaining Balance
Maximum Term
Above P5,000 to P10,000
6 months
P10,001 to P18,000
12 months
P18,001 to P36,000
24 months
P36,001 to P54,000
36 months
P54,001 to P72,000
48 months
More than P72,000
60 months
Kinakailangan lamang, Arlyn, na matugunan mo ang mga sumusunod na kondisyon:
mayroon kang hindi nabayarang short-term member loan hanggang sa araw ng iyong aplikasyon sa nasabing programa;
hindi ka pa nabibigyan ng final benefit claim, tulad ng permanent total disability o retirement benefit;
hindi ka na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS; at
mayroon kang aktibong account sa My.SSS.
Hindi mo na rin kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari mo na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin mong may account kang nakarehistro na sa My.SSS.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
***
Binuksan din ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.
Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Commentaires