top of page
Search
BULGAR

Literacy at reading profiency ng mga mag-aaral, tiyaking natututukan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 5, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa gitna ng pagdiriwang ng National Reading Month ngayong Nobyembre, magsilbi sana itong paalala sa atin sa kahalagahan ng pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa alang-alang sa pagtugon sa kasalukuyang krisis natin sa edukasyon.

 

Sa paglagda ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028), umaasa tayong matagumpay na maipatutupad ang mga sistematikong tutorial sessions at interventions plans na mag-aangat sa literacy at reading proficiency ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas na akda at isinulong ng inyong lingkod, itatatag ang ARAL Program upang magbigay ng pambansang learning intervention program na titiyaking nakakamit ang mga essential skills at natutugunan ang learning loss ng mga mag-aaral.

 

Saklaw ng ARAL Program ang mga essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum, lalo na sa reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Layon din ng naturang programa na patatagin ang literacy at numeracy competencies ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang mas mahubog ang kanilang foundational skills. 

 

Kung babalikan natin ang mga naging resulta ng international large-scale assessments, ito ay para bigyang-diin ang pangangailangang iangat ang reading proficiency ng mga mag-aaral. Lumabas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na pang-76 sa 81 bansa ang Pilipinas pagdating sa Reading. Lumabas din sa naturang assessment na 76 porsyento ng mga mag-aaral na 15-taong-gulang ang hindi nakamit ang minimum proficiency sa pagbabasa.

 

Sa pagresolba natin sa krisis sa edukasyon na hinaharap ng bansa, mahalagang hakbang ang pagtiyak na marunong bumasa at umunawa ng kanilang binabasa ang ating mga mag-aaral. Sa pagpapatupad ng ARAL Program at sa iba pang programang isinusulong natin para sa pagbasa, matutulungan natin ang ating mga kabataang magkaroon ng matibay na pundasyon sa kanilang pag-aaral.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isinusulong na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month sa buwan ng Nobyembre. Layon ng inahain nating National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) ang pagsasagawa ng mga reading activities upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral sa kanilang mga komunidad.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page