top of page
Search
BULGAR

Liquor ban sa 8 lugar sa NCR habang may ECQ

ni Lolet Abania | August 2, 2021



Walong local government units (LGUs) sa National Capital Region ang magpapatupad ng liquor ban kasabay ng 2-linggong enhanced community quarantine (ECQ) simula Agosto 6. Sa Palace briefing ngayong Lunes, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na ang pagbabawal sa mga alak at anumang inuming nakalalasing ay nakadepende sa desisyon ng mga mayors ng lugar.


“Sa nakikita namin, ang Valenzuela, Mandaluyong, Parañaque, Pasay, Navotas, Pateros, Quezon City, and San Juan, may mga liquor ban,” ani Abalos. Ito ang naging tugon ni Abalos matapos ang pag-uusap hinggil sa curfew hours na ipatutupad sa Metro Manila kasabay ng ECQ sa lugar, kung saan nagkasundo ang mga mayors na isagawa na lamang ang uniform curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.


Ayon kay Abalos, madalas na magkasabay na ipinatutupad ang liquor ban at curfew policy sa pagbabago ng quarantine status ng lugar. Gayunman aniya, nasa desisyon pa rin ng mga mayors kung ipagbabawal nila ang mga alcoholic drinks sa panahon ng ECQ sa kanilang lugar.


Sinabi ni Abalos na hindi naman magpapatupad ng liquor ban ang Makati, Taguig, Pasig at Las Piñas. “'Yung iba, ikino-collate pa lang ho namin sa ngayon,” sabi ni Abalos.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page