ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | February 08, 2022
Dear Doc Erwin,
Nabasa ko ang inyong artikulo tungkol sa Antrodia mushroom at ang magandang epekto nito sa blood pressure, bilang anti-inflammatory agent at pagiging mabisa laban sa Hepatitis B at cancer. Ako ay kasalukuyang umiinom ng food supplement na gawa sa Reishi mushroom.
Ayon sa mga nabasa ko ay makatutulong ito sa aking immune system at panlaban sa cancer. May mga pag-aaral na ba tungkol sa Reishi mushroom at epekto nito sa kalusugan? Maaari n’yo bang isulat sa inyong column ang resulta ng mga pananaliksik na ito? - Teresita
Sagot
Maraming salamat Teresita sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubabay sa ating health column.
Ayon sa aklat na Herbal Medicine: Biomolecular and Clinical Aspects, Second Edition na inilathala noong 2011, ang salitang “Reishi” mushroom ay galing sa Japan, kung saan tinatawag din nila itong “mannentake”. Samantala, kilala naman ang Reishi mushroom sa China bilang Lingzhi mushroom at sa mga siyentipiko ay tinatawag nila itong Ganoderma lucidum.
Ang salitang “lucidus” ay Latin word na nangangahulugang “shiny” o “brilliant”. Tinawag na lucidus ang mushroom na ito dahil sa makintab nitong surface.
Ang lingzhi o reishi ay ginagamit na bilang medicinal mushroom ng mahigit sa 2000 taon at ang mga mabisang epekto nito bilang gamot ay naisulat sa maraming matatandang kasulatan.
Noong unang panahon ang lingzhi ay rare at mayayaman at makapangyarihan lamang ang kayang makabili at makahanap nito. Dahil sa paggamit nito ng mayayaman at makapangyarihan, naging popular ito bilang traditional medicine at kumalat sa buong Asya.
Sa traditional Chinese medicine ang lingzhi (o reishi) mushroom ay itinuturing bilang “herb of spiritual potency” dahil pinaniniwalaan itong sumisimbolo ng tagumpay at mahabang buhay. Mas pinahahalagahan ito dahil sa mga pharmaceutical effects nito kaysa sa nutritional value. Ayon sa traditional Chinese medicine ang lingzhi mushroom ay makatutulong upang makontrol ang blood sugar level, mapalakas ang immune system, maproteksiyunan ang atay at panlaban sa impeksiyon.
Ang lingzhi mushroom ay masustansiya. Naglalaman ito ng lahat ng essential amino acids na kailangan ng ating katawan. Mayaman ito sa amino acid na lysine at leucine.
Ang low fat content nito at pagiging mayaman sa polyunsaturated fatty acids ay nagpadagdag sa kahalagahan at popularidad nito bilang health food.
Popular ang lingzhi o reishi bilang health supplement na pampalakas ng immune system.
Ginagamit din ito ng mga cancer patients kasama ng mga conventional therapy.
Maraming scientific studies sa mga mushrooms at ang kakayahan nito upang labanan ang cancer, kasama na ang lingzhi. Dalawang chemical compounds sa lingzhi ang nakitaan ng epekto panlaban sa cancer (chemopreventive at/o tumoricidal effects). Base sa mga animal studies, napipigil ng lingzhi ang pagkalat ng kanser.
Bagama’t marami na ang mga in vitro at animal studies sa epekto ng lingzhi laban sa prostate cancer, liver cancer at colon cancer, kakaunti pa lamang ang mga well-designed clinical trials. Sa ilang pag-aaral na ginawa, nakita ng mga scientists na ang anti-cancer effects ng lingzhi ay nagagawa nito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng immune system ng cancer patients.
Pinatataas ng lingzhi ang levels ng mga panlaban sa cancer at tumor, tulad ng interleukin, interferon at natural killer cells.
May iba pang health benefits ang lingzhi, tulad ng panlaban sa viral at bacterial infection, pambaba ng blood sugar level para sa mga may diabetes at insulin-resistance at bilang gamot sa gastric ulcer.
Sana ay nasagot ng ating mga ipinahayag sa itaas ang iyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments