ni Lolet Abania | February 6, 2021
Halos magkasunod na pagyanig ang tumama sa Davao del Sur ngayong Linggo, ayon sa Phivolcs.
Ang unang pagyanig ay 4.8-magnitude na lindol na naramdaman ng alas-7:28 ng umaga habang ang ikalawang pagyanig ay 6.1-magnitude na mas malakas ng alas-12:22 ng tanghali.
Dahil sa naganap na pagyanig, kinailangang agad ilikas ang ilang mga pasyente sa mga ospital sa Kidapawan City, ayon sa city disaster risk reduction management office (CDRRMO).
"Tayo ay nag-evacuate ng mga ospital sa lungsod," ani Psalmer Bernalte, ng Kidapawan CDRRMO sa isang interview.
Dagdag pa ni Bernalte, magsasagawa rin sila ng preemptive evacuation sa tinatayang 100 pamilya na nakatira malapit sa Mt. Apo upang masiguro ang kanilang kaligtasan sakaling magkaroon ng landslides dahil sa posibleng mas malakas pang lindol at aftershocks ang maganap.
Nagsilabasan naman ang mga namimili at niyanig ang mga paninda sa mga mall sa ilang probinsiya ng Mindanao.
May mga hinimatay at nagsisigawang customers sa Mall of Ace Centerpoint sa Koronadal City, South Cotabato dahil sa takot dulot ng malakas na pagyanig.
Nagsitakbuhan palabas ang mga nagmo-malling sa SM General Santos City habang pinahintay muna sila sa open area ng mall.
Ayon kay municipal information officer Anthony Allada, ramdam sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur ang malakas na pagyanig na nagpagalaw ng ilang gamit at mga pader. Naitala sa nasabing bayan ang epicenter ng dalawang lindol.
Comentários