ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 24, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako at ang aking mga anak ay nangungupahan lamang ng maliit na tirahan nang may higit na sa isang taon. Ang aming upa ay P5,000.00 kada buwan. Kahit mabigat para sa akin ang halagang iyon ay tinanggap ko na rin dahil malapit naman ito sa paaralan ng aking mga anak at sa aking pinagtatrabahuan. Kamakailan ay nagkasakit umano ang may-ari ng bahay na inuupahan namin, kung kaya’t nagbigay siya sa kanyang anak ng Special Power of Attorney upang mangasiwa sa pangungulekta ng upa at upang magtaas diumano ng upa simula sa susunod na buwan. Magiging P5,350.00 na diumano ang aming buwanang upa. Maaari ba akong hindi sumang-ayon sa ibinigay niyang halaga? Kahit na naiintindihan kong mayroong pangangailangan ang may-ari at ngayon pa lamang din naman siya magtataas ng upa, para kasi sa akin ay mabigat ang halagang iyon. Wala bang limitasyon ang kakayahan ng nagpapa-upa na magtaas ng upa. Sana ay malinawan ninyo ako. -- Doroteo
Dear Doroteo,
Mayroon tayong batas na nagreregula sa karapatan at obligasyon ng mga partido sa kasunduan ng pangungupahan ng tirahan, tulad na lamang ng Title VIII, Book IV ng New Civil Code of the Philippines at Republic Act (R.A.) No. 9653 o mas kilala bilang Rent Control Act of 2009.
Mula nang maaprubahan bilang batas ang R.A. No. 9653 noong Hulyo 14, 2009 ay naipabatid na ang kakayahan ng nagpapa-upa na magtaas ng halaga ng upa, bagaman mayroong limitasyon kaugnay rito. Malinaw na nakasaad sa Section 4 ng nasabing batas na:
“Section 4. Limit on Increases in Rent. - For a period of one (1) year from its effectivity, no increase shall be imposed upon the rent of any residential unit covered by this Act: Provided, That after such period until December 31, 2013, the rent of any residential unit covered by this Act shall not be increased by more than seven percent (7%) annually as long as the unit is occupied by the same lessee: Provided, further, That when the residential unit becomes vacant, the lessor may set the initial rent for the next lessee: Provided, however, That in the case of boarding houses, dormitories, rooms and bedspaces offered for rent to students, no increase in rental more than once per year shall be allowed.”
Ganunpaman, dahil sa paglipas ng panahon at patuloy na pagbabago sa iba’t ibang aspeto ng ating lipunan, partikular na sa pinansyal na kondisyon ng bawat mamamayan, nagkaroon din ng pagbabago sa limitasyon ng halaga na maaaring itaas ng nagpapa-upa.
Sa kasalukuyan, hindi hihigit sa apat na porsyento o 4% ng halaga ng buwanang upa ang maaaring itaas ng nagpapa-upa kung ang tirahang pinauupahan ay inookupahan pa rin ng parehong nangungupahan dito. Ito ay alinsunod sa Resolution No. 2023-03 na may petsang Oktubre 13, 2023 ng National Human Settlements Board (NHSB). Ang resolusyong ito ay nagsisilbing gabay ukol sa rent control mula Enero 1, 2024 hanggang Disyembre 31, 2024:
“WHEREFORE, pursuant to the foregoing, the National Human Settlements Board hereby RESOLVES, as it is RESOLVED, to continue the rental regulation for the period January 1, 2024 to December 31, 2024 under the same terms and conditions provided under NHSB Resolution No. 2022-01, that for as long as the unit is occupied by the same lessee, the rent of any residential unit shall not be increased by more than four percent (4%) for the monthly rental rates of P10,000.00 and below;
PROVIDED, that when the residential unit becomes vacant, the lessor may set the initial rent for the next lessee, provided that in case of boarding houses, dormitories, rooms, and bed spaces offered for rent to students, no increase in rent more than once a year shall be allowed;”
Sa sitwasyon na inilapit mo, maaaring magtaas ng upa ang may-ari ng bahay na inuupahan ninyo, subalit limitado ito sa 4% ng halaga ng buwanang upa ninyo. Kung ang inyong buwanang upa ay limang libong piso, dalawang daang piso lamang ang maaari nilang itaas o kabuuang limang libo at dalawang daang piso ang maximum na maaari nilang igiit sa napipintong pagtataas ng upa kung kayo ay patuloy pa ring mangungupahan sa nasabing tirahan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
תגובות