top of page
Search

Limitasyon ng barya bilang legal tender

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 3, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


May maliit akong convenience store dito sa amin. Bumili sa amin ang isa sa aking mga kapitbahay at ang binili niya ay nagkakahalaga ng P72.00. Ang ibinigay niyang pera ay P500.00, kaya ang sukli niya ay P428.00. Ang pera ko lang noon sa kaha ay tatlong tig-iisang daang piso (P100) at puro barya. Kaya naman, sinuklian ko siya ng tatlong tig-iisang daang piso at mamiso na ang halaga ay P128. Ngunit ayaw itong tanggapin ng kapitbahay ko dahil ayaw diumano niya ng barya at kailangang buo diumano ang ibigay kong sukli sa kanya. Maaari ba niyang tanggihan ang ibinibigay kong sukli? — Marsha


 

Dear Marsha,


Ayon sa Section 52 ng Republic Act (R.A.) No. 7653, ang lahat ng perang papel at barya na inisyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay kinokonsidera bilang “legal tender”: 


Section 52. Legal Tender Power. -- All notes and coins issued by the Bangko Sentral shall be fully guaranteed by the Government of the Republic of the Philippines and shall be legal tender in the Philippines for all debts, both public and private: x x x


Ayon din sa BSP, ang kahalagahan ng legal tender ay ang mga perang papel at barya na inisyu ng nasabing ahensya ay dapat tanggapin kung ito ay ibinibigay bilang bayad sa anumang pagkakautang o obligasyon. 


Ngunit kailangan nating maunawaan na pagdating sa mga barya, mayroong patakaran na inisyu ang BSP, kung saan kanilang nilimitahan ang halaga ng barya bilang legal tender. Ayon sa Circular No. 1162, na inisyu ng BSP noong 1 Disyembre 2022, ang legal tender pagdating sa mga barya ay ang sumusunod: 


Kung ang barya ay isang sentimo, limang sentimo, sampung sentimo, at bente-singko sentimo, ang limitasyon dito ay hanggang P200 lamang. 


Kung ang barya naman ay piso, limang piso, sampung piso, at bente na barya, ang limitasyon na ibinigay dito ay hanggang P2,000 lamang. 


Samakatuwid, kung ang isang tao ay nagbabayad ng mamisong barya na aabot sa P300.00, maaari itong tanggihan ng taong tatanggap nito. Dahil malinaw ang batas na inoobliga lang na tanggapin ang mamisong barya kapag ang ibinabayad na halaga ay hindi lagpas sa P2,000.00. 


Ngunit, nakasaad din sa batas na hindi naman bawal ang mga transaksyon na mayroong bayad na lalagpas sa itinakdang legal tender, kailangan lang na ito ay pinagkakasunduan ng mga partidong kasama sa transaksyon.


Sa iyong sitwasyon, hindi maaaring tanggihan ng iyong kapitbahay ang ibinibigay mong sukli na mamisong barya na nagkakahalaga lamang ng P128.00 dahil ito ay pasok sa limitasyong itinakda ng batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page