ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 7, 2024
Unti-unti nang nagbubunga ang ating matagal nang adbokasiya na magkaroon ng maayos at kumportableng evacuation centers ang mga kababayan nating naaapektuhan sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Masaya kong ibinabalita na isa nang ganap na batas ang panukala natin na kung maipatutupad nang tama ay poprotekta sa dignidad at buhay ng mga Pilipinong biktima ng kalamidad.
Kahapon, December 6, ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12076: “An Act establishing evacuation centers for every city and municipality and appropriating funds therefor” o kilala bilang Ligtas Pinoy Centers Act. Sa ilalim nito, magtatayo ng ligtas, permanente at kumpleto sa mga pasilidad na evacuation centers sa mga siyudad at munisipalidad sa buong bansa. Tayo ang principal author at isa sa co-sponsors nito sa Senado.
Sa panahon ng kalamidad, masakit makitang ang pinaghirapang ipundar ng ating mga kababayan sa loob ng mahabang panahon ay naglahong parang bula. Mas masakit lalo na kung may nasawi. Panahon na para tiyakin ang kaligtasan, seguridad at dignidad ng ating mga evacuees. Hindi man maiwasan ang krisis, ang mga naghihirap ay dapat huwag nang pahirapan pa.
Napakalungkot makita ang ating mga kababayan na nagsisiksikan sa mga hindi angkop na lugar gaya ng mga eskwelahan na apektado maging mga estudyante dahil naaantala ang kanilang klase; at sa covered courts na walang sapat na sanitation. Kung minsan ay sa kalsada na lang. Kaya ang bagong batas na ito ay isang malaking hakbang para sa kaligtasan at kaginhawaan ng ating mga kababayan. Patuloy nating ipaglalaban ang maayos na implementasyon ng batas na ito.
Kahapon din ay nilagdaan na para maging batas ang Republic Act No. 12077, o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act,” na naglalayon na maibsan ang problemang pinansyal ng mga estudyante at kanilang pamilya kapag may kalamidad at iba pang krisis. Co-sponsor at co-author tayo nito.
Ang tanong marahil ng maraming kabataang mag-aaral: “Dapang-dapa kami sa delubyo, paano na ang student loan ko?” Kaya natin isinulong ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Law ay para mabigyan ng palugit ang mga estudyanteng may pagkakautang pero hindi makabayad dahil tinamaan ng kalamidad at iba pang sakuna.
Ang edukasyon ay susi para sa mas magandang kinabukasan ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, masisiguro nating hindi magiging hadlang ang krisis sa pagkakamit ng kanilang pangarap. Hindi natin hahayaang maging dagdag na pasanin pa nila ang student loans sa gitna ng mga kalamidad.
Bahagi rin ito ng ating inisyatiba bilang chairperson ng Senate Committee on Youth na maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa de-kalidad na edukasyon, na isa sa mga pundasyon sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Bigyan natin ng sapat na pagkakataon ang mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral dahil sila ang pag-asa at future leaders ng ating bayan.
Hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa mga nangangailangan at sa pakikipagkapit-bisig sa kapwa natin lingkod-bayan upang ilapit ang gobyerno sa tao.
Dumalo tayo sa ginanap na Vice Mayors’ League of the Philippines 4th Quarter 2024 National Executive Board Meeting Opening Ceremonies sa paanyaya ni VM Ninong dela Cruz noong December 4 sa Maynila. Pinagkalooban nila tayo ng “Pasasalamat Award” dahil sa ating pagiging consistent na kaalyado ng mga bise alkalde.
Guest of honor and speaker tayo sa 4th Siklab Youth Sports Awards na ginanap noong December 5 sa Taguig City, kung saan ginawaran tayo ng “Lifetime Achievement Award” dahil sa ating patuloy na suporta sa ating mga atleta at sa pagpapalaganap ng sports program na pangunahin nating adhikain bilang tayo ang chairperson ng Senate Committee on Sports.
With or without an award, patuloy ang ating suporta sa ating mga atleta at pagseserbisyo sa kapwa Pilipino sa abot ng ating makakaya.
Ang aking Malasakit Team naman ay tumulong sa Aklan para sa 1,162 mahihirap na residente ng Malinao, at 1,743 sa Makato. Sa ating inisyatiba katuwang si Gov. Joen Miraflores ay nakatanggap din sila ng tulong pinansyal.
Nasa Cebu tayo kahapon, December 6, at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa 678 na nawalan ng tirahan sa Mandaue City. Matapos ito ay nagsagawa tayo ng katulad na relief effort para sa 799 na nawalan din ng tirahan sa Lapu-Lapu City. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang tahanan. Dumalo rin tayo sa League of Municipalities of the Philippines Cebu Chapter Year End General Assembly sa paanyaya ni LMP President Mayor Sun Shimura.
Sinaksihan din natin ang pamamahagi ng aking opisina ng tulong para sa 926 na nawalan ng tirahan sa Cebu City, na nabigyan din ng tulong pinansyal ng NHA sa ating inisyatiba.
Ang aking Malasakit Team ay naghatid din ng tulong sa iba’t ibang komunidad tulad ng 509 mahihirap na residente ng Braulio E. Dujali, Davao del Norte katuwang si Mayor Leah Marie Romano. Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang apat na residente ng Barangay Leon Garcia, Davao City na nawalan ng tirahan, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng tulong mula sa NHA.
Naghatid tayo ng tulong sa 98 residente ng Bacnotan, La Union na nawalan ng hanapbuhay katuwang si Mayor Divine Fontanilla; at 198 sa Maigo, Lanao del Norte kaagapay si BM Joseph Neri. Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, nabigyan din sila ng pansamantalang trabaho.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong para sa 100 scholars sa Biliran province.
Proteksyunan natin ang dignidad ng bawat Pilipino lalo na ang mga biktima ng sakuna. Patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments