top of page
Search

Ligtas at pinabilis na proseso ng pagboto sa mga botanteng senior citizens at PWD

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 01, 2021



Hindi pa man din nagsisimula ang filing ng kandidatura ngayong Oktubre para sa mga kandidatong nais tumakbo sa darating na halalan sa taong 2022 ay ramdam na ang init ng pulitika sa kabi-kabilang pasimpleng pangangampanya.


Nagsisimula na rin ang batuhan ng mga maaanghang na paliwanagan mula sa iba’t ibang partido, grupo at indibidwal dahil bahagi naman talaga ito ng sistema ng pulitika, lalo na ang pagpapalabas ng propaganda na lalong nagpapainit sa nalalapit na halalan.


Mas nauna na ang pagpapalabas ng kung anu-ano’ng pahayag tungkol sa eleksiyon kumpara sa pagsasapinal ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa panuntunan kung magkakaroon ba ng face-to-face campaign o aasa na lamang ang lahat sa social media, radyo at telebisyon.


Malaki ang problemang kinahaharap sa darating na kampanya ng mga kandidato kung iaasa sa social media ang kampanya dahil hindi talaga maaasahan ang sisinghap-singhap na koneksiyon ng internet, partikular sa mga bulubunduking bahagi ng mga lalawigan.


Hindi naman kakayanin ng mga kandidato mula sa lokal ang gastos kung ang kanilang propaganda sa kampanya ay gagamitin ang radyo at telebisyon dahil sa sobrang napakamahal at higit sa lahat ay siksikan na pagdating mismo ng panahon ng kampanya.


Ang lahat ng ito ay isinasaalang-alang na sa panahong ito bilang paghahanda sa darating na halalan, ngunit tila hindi napagtutuunan ng pansin ang kalagayan ng ating mga senior citizen at iba pang vulnerable na sektor na pinanghihinaan na rin ng loob at marami ang takot nang bumoto.


Alam naman nating lahat kung gaano kalupit ang pananalasa ng Delta variant at isa ito sa pinangangambahan ng mga senior citizen at ilang kabilang sa vulnerable sector tulad ng PWD (People With Disability) at iba pang may problema sa kalusugan.


Kaya lahat ngayon ay pinagsisikapan nating mapadali para sa kanila, maging ang pagtungo sa mga presinto para makaboto ng ligtas at mas madali ang proseso para makahikayat pa tayo ng mas maraming botante sa darating na 2022 elections.


Kailangang makapiling natin ang mga may edad at may karamdaman sa ating lipunan at masigurong hindi sila mahihirapan sa pakikilahok nila sa halalan upang hindi masayang ang kanilang partisipasyon sa pinakaimportanteng democratic exercise sa bansa.


Nang tinalakay ang Senate Bill 2216 noong nakaraang linggo ay hinimay at inusisa natin ang mga detalye para higit na maliwanagan ang kahalagahan ng kanilang pagdalo sa eleksiyon ng ligtas.


Ang SBN 2216 sa ilalim ng Committee Report na inilatag ng Committee on Electoral Reform and People’s Participation ay naghahanap ng mas magaan na paraan upang makaboto ang senior citizens, persons with disabilities (PWD), buntis at Indigenous Peoples (IPs).


Ang naturang panukala ay naglalayong makaboto ng mas maaga ang mga nabanggit na sektor sa loob ng two to thirty days bago ang mismong araw ng halalan sa mga lugar o establisimyento na madaling puntahan.


Kung papayagan kasi natin ang ating mga senior citizen at iba pang vulnerable sector na makaboto ng mas maaga kumpara sa itinakdang araw ay malaki ang mababawas sa pila sa mismong araw ng eleksiyon, labing-apat na porsiyento kasi ng botante ay senior citizen kaya hindi nila kailangang makipagsiksikan.


Base sa datos na inilatag ng Komite na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos, ang napakababang turnout ng mga botante mula sa edad na 60 pataas bago pa man ang banta ng pandemya ay kulang-kulang tatlong porsiyento lamang ng walong milyong rehistradong senior citizens ang aktuwal na nakaboto noong 2019 elections.


Hindi rin tayo kampante sa kapasidad ng Commission on Elections (Comelec) kung kaya nilang magsagawa ng matagumpay na postal voting para sa nalalapit na presidential elections kaya tuluyan na itong ibinasura ng Komite. Maging tayo ay may mga agam-agam sa postal voting kaya’t talagang mas magandang isasantabi muna ito at pag-aralan pa nang husto.


Imbes na postal voting, itinutulak ng Komite na magkaroon din ng ligtas at maayos na Special Area sa mga polling places na eksklusibo para sa mga senior, PWD, at vulnerable sector sa mismong araw ng botohan. Ito ay para mapangalagaan ang kanilang kalusugan, at matiyak ang madaling access sa pagboto nang sila’y mahikayat na bumoto.


Sinisikap ng Senado na maipasa ang panukalang ito para mabigyan ng maayos at ligtas na paraan ang ating mga kababayang nabibilang sa nabanggit na sektor. Kung ito ay tuluyang maipapasa, malaking bagay ito sa ating mga botanteng nais lumahok sa halalan, ngunit dahil sa kasalukuyang pandemya ay nangangambang lumabas at bumoto.


Hindi imposibleng maging super spreader pa ng COVID-19 ang isasagawang eleksiyon na huwag naman sana, at delikado ito para sa kalagayan ng mga senior citizen at vulnerable sector kung hindi agad maisasaayos ang sistema!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page