ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 16, 2022
Ngayong Kapaskuhan, palaganapin natin ang tunay na diwa nito at iparamdam ang pagmamalasakit sa kapwa. Ang pinakamagandang regalo na ating matatanggap ay ang ligtas at maginhawang Bagong Taon.
Habang tinatahak natin ang road to recovery, unahin at huwag nating pabayaan ang mahihirap, lalo na ang mga hopeless, helpless at walang ibang matatakbuhan, kundi ang gobyerno.
Pagaanin ang kanilang pinapasan dulot ng tumataas na presyo ng mga bilihin, maiangat ang kabuhayan ng mga manggagawa at magkaroon ang sila ng access sa abot-kaya pero dekalidad na pagkain para walang magugutom na Pilipino. Importanteng may laman ang tiyan ng taumbayan. Kung maisasakatuparan ang mga ito, nasa tamang daan tayo sa muling pag-unlad.
Sikapin nating maiahon ang ating mga kababayan mula sa hirap na dulot ng pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay-puhunan sa mga negosyo at pagpapalakas ng lokal na industriya. Kung matutulungan natin ang maliliit na negosyo na makabawi at lumago, magkakaroon ng mas maraming economic opportunities sa mga komunidad.
Ngayong araw ay pinuntahan natin ang mahigit 200 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parañaque City para alamin ang kanilang kalagayan at maalalayan sa abot ng ating makakaya. Kahapon naman, December 15 ay muli nating dinalaw ang mga kapwa natin Batangueño at personal na nagkaloob ng tulong sa 600 mahihirap na residente ng San Nicolas at 1,000 pa sa Sta. Teresita. Matapos iyon ay dinaluhan natin bilang keynote speaker ang paglulunsad ng Program on Medical Assistance for Cooperatives (PMAC)-Malasakit sa Kooperatiba sa Quezon City. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tseke bilang tulong-medikal para sa 16 miyembro ng nasabing kooperatiba.
Sinaksihan natin noong December 12 ang inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan, kasama ang ating kapwa senador na si Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva. Dumiretso tayo sa Pandi para mag-inspeksyon sa itinatayong Super Health Center doon at pagkatapos ay personal na nagkaloob ng ayuda sa 211 mahihirap na residente.
Bukod dito, maagap din nating inalalayan ang mga kababayan nating nasunugan. Nagkaloob tayo ng pangunahing pangangailangan at gastusin ng 2,235 na biktima ng sunog sa Sitio Wangyu, Bgy. Mambaling, Cebu City; 128 sa Cotabato City; 100 sa Brgy. 103, Zone 8, Maynila; at 66 sa Tandag City, Surigao del Sur.
Ilan pang biktima ng sunog ang ating sinaklolohan, tulad ng 10 pamilya sa Cagayan de Oro City; anim sa Kidapawan City, North Cotabato; dalawa sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte; dalawa rin sa Ampatuan sa Maguindanao del Sur; at isa pa sa Koronadal City, South Cotabato. Inayudahan din natin ang 1,379 residente ng Aloguinsan, Cebu na apektado pa rin ang kabuhayan ng Bagyong Odette; at ang 90 residente ng Cagayan de Oro City na biktima naman ng pagbaha.
Muling naglibot ang ating opisina sa iba’t ibang komunidad para matulungan ang mga residenteng hindi pa nakababawi sa epekto ng pandemya at iba pang krisis sa kanilang kabuhayan. Sa isinagawang serye ng pamamahagi ng ayuda sa Bohol ay naabutan ng tulong ang 1,053 mahihirap na residente ng Trinidad; 515 sa Tagbilaran City; 317 sa Talibon; 178 sa Panglao, at 55 pa sa Lila. Sa Misamis Oriental, nakatanggap ng tulong ang 500 benepisaryo sa Jasaan; 375 sa Naawan; at 333 pa sa Manticao. Narating din natin ang Palawan at naabutan ng ayuda ang 600 na residente ng Bataraza; 350 sa Brooke’s Point; at 300 pa sa Narra. Hindi rin natin kinaligtaan ang 1,659 mahihirap na residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija; at 800 pa sa Zambales.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health ay patuloy ang ating panawagang huwag tayong magpakumpiyansa at mag-ingat pa rin habang naririyan ang panganib ng pandemya.
Sama-sama nating pasiglahin ang ekonomiya tungo sa mas ligtas at komportableng hinaharap!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments