ni Lolet Abania | April 27, 2022
Inianunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Miyerkules ang pagpapalawig pa nang isa buwan para sa libreng sakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).
Sa isang advisory, ayon sa DOTr, ang mga pasahero ay patuloy na maseserbisyuhan ng free rides ng MRT3 line hanggang Mayo 30, 2022, kung saan ang operating hours ay mula alas-4:40 ng madaling-araw hanggang alas-10:00 ng gabi.
Inisyal na ipinatupad ang libreng sakay noong Marso 28 hanggang Abril 30, bilang selebrasyon ng pagkumpleto ng rehabilitasyon ng MRT3 at para mapagaan ang nararanasang hirap ng mga commuters sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis, at lalo na sa maraming empleyado na nagbalik sa kanilang opisina at pinagtatrabahuhan.
“To continue providing assistance to the riding public in their commuting needs, the MRT3 Management and the DOTr have decided to extend for another month the implementation of the FREE RIDE or ‘LIBRENG SAKAY’ program in MRT3,” pahayag ng DOTr.
Batay sa ahensiya, hanggang nitong Abril 26, may kabuuang 7,227,434 pasahero na ang nakinabang mula sa MRT3 free ride program.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, umaasa sila na ang pag-extend ng free ride program ay patuloy na magpapagaan sa pinansiyal na pasanin ng mga commuters sa gitna ng isyu sa inflation at pagtaas ng langis dahil mas maraming manggagawa na rin ang nagbalik sa kanilang on-site work.
“Gumanda at nagbago ang ridership ng MRT3. Bago magpandemya, 260,000. At bagama’t may pandemya, ‘yung ridership ay umaabot sa 280,000. At ngayon, nasa 300,000 na ang naisasakay ng MRT3 at naihahatid nang ligtas, kumportable, at walang aberya. Napapanahon na i-extend pa natin ang LIBRENG SAKAY sa MRT3 upang mas maraming Pilipino ang makinabang,” sabi ni Tugade.
Comments