ni Lolet Abania | June 21, 2022
Magtatapos na ang libreng sakay sa ilang public utility jeepneys (PUJs) at buses sa Metro Manila sa ilalim ng service contracting program (SCP) ng gobyerno sa Hulyo, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Martes.
Base sa datos mula sa LTFRB, nasa 146 National Capital Region (NCR) public utility jeepney (PUJ) cooperatives at mga korporasyon ang hihinto na sa pagbibigay ng free rides sa Hunyo 30.
“For the buses, Busway will end by July pa as well as Commonwealth Route 7 bus from Montalban to Quezon Avenue,” pahayag ni LTFRB Executive Director Tina Cassion sa mga reporters.
Noong Abril 11, nagsimula ang EDSA Busway Carousel sa pagbibigay ng free rides para sa mga commuters sa ilalim ng third phase ng service contracting program (SCP) ng Department of Transportation (DOTr).
Sa ilalim ng SCP, ang mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers na lalahok sa free ridership program ng gobyerno ay makatatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa bilang ng kilometro na kanilang biniyahe per week, may sakay man silang pasahero o wala.
Ang mga ruta para sa free ride program ng mga PUVs gaya ng modern at traditional jeepneys, UV Express, at mga bus ay pinalawig naman nationwide noong Abril.
Ayon sa DOTr, nabigyan ang programa ng P7-billion budget ng General Appropriations Act (GAA) of 2022, sakop nito ang inisyal na 515 buses mula sa 532 units na registered sa program.
Noong Mayo 25, inanunsiyo naman ng DOTr ang extension ng free rides sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) hanggang Hunyo 30.
Kommentare