ni Lolet Abania | July 1, 2022
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ngayong Biyernes, ang extension ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel at libreng sakay naman para sa mga estudyante sa mga train sa Metro Manila at ang Philippine National Railways (PNR), batay sa anunsiyo ng Department of Transportation.
Ayon sa DOTr, ang free rides sa EDSA Bus Carousel ay pinalawig ng hanggang Disyembre 2022, habang free train rides para sa mga estudyanteng sasakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3), Light Rail Transit Line 2 (LRT2), at PNR na mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022.
Base sa isang bahagi ng DOTr memorandum na inaprubahan ni Pangulong Marcos, sinabi ng ahensiya na kinonsidera rito ang availability ng budget para sa Service Contracting sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act sa pagpapalawig ng free bus rides.
Ginawa ito, ayon sa DOTr, “[to] ease the burden of rising living expenses on Filipino families and help them save money, especially with the return of face-to-face classes after more than two years.”
Habang tinapos na ng gobyerno nitong Hunyo 30, ang libreng sakay sa mga pasahero maliban sa mga estudyante sa MRT3, sinabi ng DOTr na inirekomenda nila ang free rides para sa mge estudyante sa MRT3, LRT2, at PNR bilang konsiderasyon na rin sa kapakanan ng mga ito na ani ahensiya, “whose learning outcomes have been disproportionately affected by the pandemic.”
Kaugnay nito, ayon sa Department of Education, tinatayang nasa mahigit sa 38,000 paaralan sa bansa ang nakatakda nang mag-resume para sa face-to-face classes sa School Year 2022-2023.
Comments