top of page
Search
BULGAR

Libreng sakay para sa mga manggagawa — DOTr

ni Lolet Abania | March 30, 2021




Naglatag ang Department of Transportation (DOTr) ng mga libreng sakay sa 44 ruta sa Metro Manila at karatig-lugar para sa mga essential workers at iba pang authorized persons outside of their residence (APOR) na bumibiyahe at pumapasok sa kanilang trabaho habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.


Ayon sa DOTr, kailangan lamang ng mga empleyadong magpakita ng kanilang government o company ID para makasakay sa free rides na layuning makapagbigay-ginhawa sa pagpasok ng mga manggagawang apektado ng ECQ.

Sinabi rin ng ahensiya na ang serbisyo ng libreng sakay ay mula alas-4:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi. Ang mga public utility vehicle operators na kinuha para sa service contracting program ng ahensiya ay babayaran ng pamahalaan ng P46.8 per kilometer sa ilalim ng Bayanihan Act 2, ayon kay Undersecretary for Road Mark Steven Pastor.


Nabatid na may mga commuters na mas maaga pa kaninang alas-3:00 ng umaga sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City na napasakay sa free ride.


Ayon pa sa DOTr, ang mga nasabing public transport at PUVs ay binigyan ng permit para magserbisyo sa mga commuters habang patuloy na isinasailalim ang NCR Plus sa ECQ.


"Mahigpit nating pinababantayan ito sa operators at drivers at conductors natin na 'wag pasakayin kapag hindi APOR,” ani Pastor.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page