top of page
Search
BULGAR

Libreng sakay, aarangkada uli sa Abril 11 — LTFRB

ni Lolet Abania | April 9, 2022



Inianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang service contracting program, kung saan kabilang dito ang libreng sakay sa mga pasahero, ay sisimulan na ulit sa Lunes, Abril 11, 2022.


“We are preparing for Monday implementation nationwide for the service contracting program pero hindi pa siguro lahat ng ruta, gradual pa lang, kasi nagko-complete pa naman ang ibang operators ng kanilang requirements din,” pahayag ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion sa isang interview ngayong Sabado.


Sa ilalim ng service contracting program ng LTFRB, ang mga public utility vehicle (PUV) operators at drivers na makikiisa sa free ridership program ng gobyerno ay makatatanggap ng isang one-time payout at weekly payments base sa bilang ng kilometro na ibiniyahe nila bawat linggo, may pasahero man sila o wala.


Ayon kay Cassion, ang ruta ng EDSA Bus Carousel ay kabilang sa mauunang ruta na may libreng biyahe sa Lunes.


Gayundin aniya, sa susunod na mga araw ay bubuksan ng LTFRB ang NLEX hanggang sa Metro Manila service route para sa free ridership program. Binanggit naman ng opisyal na ang service contracting program ay mayroong budget na P7 bilyon sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.


Sakop ng programa aniya, ang 1,000 ruta sa buong bansa na lalahukan ng 13,000 hanggang 15,000 units ng PUVs gaya ng modern at traditional jeepneys, bus at UV Express. Ayon pa kay Cassion, ang service contracting program ay tatagal ng 45 hanggang 60 araw depende ito sa rehiyon.


Gayunman, ang Metro Manila aniya ay tatagal ng 60 araw. Sinabi naman ng opisyal na ang service contracting program, katulad ng fuel subsidy program, ay nag-secure ng exemption mula sa Comelec sa gitna ng election public spending ban.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page