top of page
Search
BULGAR

Libreng pag-aaral sa kolehiyo, mas palawakin

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 11, 2023

Kailangang palawakin natin ang kapasidad ng State Colleges and Universities o SUCs upang mas maraming mga kuwalipikadong mag-aaral ang makinabang sa libreng kolehiyo o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931), na mas kilala sa tawag na “free higher education,” upang mabigyan ang mga kabataan ng mas magandang kinabukasan.


Kung titingnan natin ang datos, tumaas ang bilang ng mga mag-aaral sa basic education na nagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa batas. Bago ito naging batas, umabot lamang sa 54% ang progression rate sa high school papuntang kolehiyo para sa Academic Year (AY) 2013-2014, habang 62% naman ang naitala para sa AY 2014-2015.


Ngunit buhat noong nagkaroon ng libreng kolehiyo, pumalo sa 81% ang progression rate ng high school tungo sa kolehiyo mula 2018 hanggang 2022.


Gayunman, may mga mag-aaral na hindi natutuloy mag-enroll kahit nakapasa na sila sa admission exam dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan, mga pasilidad, laboratoryo, at mga guro na kinakailangan ng mga mag-aaral. Ito ay base sa naging konsultasyon natin sa mga pangulo ng mga SUCs. Sa madaling salita, may mga kabataan pa rin ang hindi nakikinabang sa libreng matrikula sa kolehiyo na ating ipinanukala kahit kuwalipikado naman sila. Dapat magkaroon ang gobyerno ng estratehiya at plano para tugunan ang mga kakulangang ito.


Sa kabila ng inilalaang pondo para sa libreng kolehiyo nitong mga nagdaang taon, kapansin-pansing hindi pa rin naging sapat ang pagtaas ng capital outlay para sa mga SUCs. Kaya naman sa gitna ng mga panawagang bisitahin at repasuhin ang nasabing batas, mariing isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawak sa kapasidad ng mga SUCs.


Para sa 2024, humigit-kumulang 51.1 bilyong piso ang kinakailangan para sa pagpapatupad ng free higher education law.


Samantala, hindi na rin kailangang magsagawa ng national screening test upang suriin kung sino ang dapat makatanggap ng libreng kolehiyo dahil mayroon namang sariling admission exam ang mga SUCs at Local Universities and Colleges o LUCs.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin na sa pamamagitan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), patuloy ang ating pagsisikap na patatagin ang basic education sa bansa upang tumaas ang tsansa ng mga bata na makapasok at makatapos ng kolehiyo.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page