top of page
Search
BULGAR

Libreng Motorcycle Riding Academy ng MMDA

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 14, 2023



Sa dinami-rami ng mga pagsisikap ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang maisaayos ang sitwasyon ng daloy ng trapiko sa buong Metro Manila, tila sa wakas ay nakatumbok sila ng maayos na solusyon para sa kalagayan ng ating mga ‘kagulong’.


Plano kasi ng MMDA na magtayo ng Motorcycle Riding Academy bago matapos ang first quarter ng taong ito dahil naiisip nila na tamang edukasyon ang solusyon para maturuan ng tamang pagmamaneho ang napakaraming rider sa buong Metro Manila.


Marahil ay marami ang magtatanong kung bakit sa Metro Manila lamang magtatayo ng Riding Academy at siyempre, nababahala rin ang ilan kung paano naman ang mga ‘kagulong’ natin sa iba’t ibang bahagi ng bansa na parami na nang parami.


Kahit saan ka magmaneho ngayon, kabi-kabila na ang mga nagmomotorsiklo na bigla na lamang lumulusot sa kaliwa at kanan, na batid nating napakadelikado ngunit hindi na natin mapigilan, kaya kailangang magkaroon ng tamang kaalaman ang mga ito.


At saludo tayo sa hakbangin ng MMDA na magtayo ng libre o para mas maliwanag ay walang bayad na Motorcycle Riding Academy, na ang pangunahing layunin ay mabawasan ang aksidente na kinasasangkutan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at kabilang na rin ang tricycle.


Sa totoo lang, bago pa dumagsa ang ganito karaming motorsiklo sa kalsada, dapat ay noon pa ito naisip ng pamahalaan, ngunit sanay naman tayo na palaging naghahabol na maisaayos ang problema kapag malala na.


Gayunman, dapat tayong magpasalamat sa MMDA kahit plano pa lamang ang lahat ng ito dahil kung sakaling maisakatuparan na magkakaroon ng tamang edukasyon ang ating mga ‘kagulong’, isa na itong wake-up call para masundan ng iba pang Motorcycle Academy sa buong bansa.


Matagal na kasing sabik na sabik ang ating mga kababayan na nais matutong magmotorsiklo at maging ang marurunong nang magmotorsiklo—na magkaroon ng pormal na pagsasanay at tiyak na dadagsain ang napakagandang proyektong ito ng MMDA.


Sabagay, kung sisilipin natin ang datos mula sa Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMRAS) ng MMDA, ang namamatay at kabuuang bilang ng aksidente na sangkot ang motorsiklo at tricycle ay umabot sa 258 ang nasawi noong isang taon, samantalang 295 noong 2021 at 253 noong taong 2020, dito lamang sa Metro Manila.


Kung tutuusin ay naglipana na ang mga driving school sa buong bansa, pero prayoridad nila ang magkamal ng kita at wala kahit isang driving school ang tumindig para manindigan hinggil sa kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ na matuto ng tamang pagmamaneho ng motorsiklo o tricycle.


Ngayon ay nakatakda na umanong bumuo ng technical working group ang MMDA para gumawa ng safety training module na aangkop sa parehong beginners at experienced riders.


Mabuting pati ang mga experienced rider ay sumailalim din sa muling pagsasanay para madagdagan ang kanilang kaalaman dahil karamihan sa kanila ay sa kapitbahay lamang natutong magmotorsiklo, ngunit kulang na kulang sa iba pang teknikal na kaalaman.


Magkakaroon umano ng basic training kasama ang control at operation, laws, rules and regulations, skills training, at risk awareness ang mga nais maging professional rider at sasamahan pa ang lesson ng basic emergency response training.


Ang higit na maganda ay makakatanggap ang mga magtatapos ng kurso ng certificate matapos makumpleto ang lectures, practical application, at Basic Emergency Response Course.


Pangunahin sa ituturo ang Riding Courtesy, Motorcycle Orientation, Road Traffic Rules and Regulations, at Motorcycle Safety Laws. Kasama naman sa hands-on exercises ang Preparing to Ride, Common Riding Situations, Safety Driving Demonstration, at Basic Riding Course.


Plano ng MMDA na itayo ang Riding Academy sa lupa ng Government Service Insurance System (GSIS) sa kanto ng Julia Vargas Avenue corner Meralco Avenue, Pasig City at handa tayong makipagtulungan sa MMDA para maisakatuparan ang proyektong ito.


Good luck!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page