top of page

Libreng legal aid, malaking tulong sa mga sundalo at kapulisan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 28, 2025



Boses by Ryan Sison


Isa sa mga nagiging mabigat na pasanin ng ating mga sundalo at kapulisan ang umabot sa puntong maharap sila sa mga kaso na may kinalaman sa pagtugon nila sa tungkulin, na sa kalaunan ay mahatulan at maparusahan.


Kaya marahil, labis ang pasasalamat ng Philippine National Police (PNP) sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Republic Act no. 12177 na nagbibigay ng libreng legal assistance sa lahat ng military and uniformed personnel (MUP) na mahaharap o nahaharap sa mga kaso dahil sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. 


Sa ilalim ng naturang batas, sakop nito ang libreng legal aid ng mga isinampang kasong civil, criminal at administrative sa mga MUP. Sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gagastusin sa pagkuha ng mga legal assistance na kakailanganin ng mga kapulisang nasasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa pagsunod lamang sa kanilang mandato.


Bilang bahagi ng Common Legislative Agenda, ang batas na ito ay itinuturing ng PNP na malaking tulong para sa araw-araw na sakripisyo ng kanilang hanay sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad at kaligtasan ng mga mamamayan.


Kabilang naman sa mga makikinabang dito ang mga opisyal at enlisted personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BF), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), PNP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at Hydrography Branch ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).


Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, hindi lamang ito basta isang batas kundi isang moral na nagpapakita ng paninindigan ng gobyerno para proteksyunan ang mga katulad nilang public servant.


Malaking tulong sa hanay ng lahat ng tagapagpatupad ng batas ang mabigyan ng ganitong maituturing na insentibo lalo na iyong mga naglilingkod ng tapat sa taumbayan at sa bayan.


Marami rin naman kasi sa ating mga kapulisan, sundalo at iba pa ang matitino, maayos magtrabaho at totoong tumutupad sa kanilang mga tungkulin, kaya nga lamang kung minsan ay nasusuong sila sa mga kasong hindi nila inaasahan.


Pero, kung mayroong libreng legal officer, na agad kikilos at aalalay sa mga qualified MUP, masampahan man sila ng kaso ay mabilis din itong mareresolba at posible ring maabsuwelto. 


Paalala lang natin sa mga law enforcer at iba pang opisyal na huwag sanang sumagi sa isipan na abusuhin ang libreng legal assistance, dahil ito ay isang pribilehiyo na ibinibigay upang mapabuti ang kalagayan at hindi para gamitin sa anumang masamang gawain.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page