ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 3, 2020
Ayon sa Department of Education (DepEd), sa 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay higit tatlong milyon lang sa kanila ang konektado sa internet habang halos dalawang milyon lang ang mayroong laptop.
Kaya pinag-iisipan na ng inyong lingkod ang panukalang-batas na layong magbigay ng laptop at internet connectivity sa bawat mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa pag-aaral ng Center for Educational Measurement (CEM) sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), lumalabas na ang pagkakaroon ng access sa computer at internet ay may malaking epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon sa naging resulta ng PISA, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading Comprehension o Pagbasa at pangalawang pinakamababang marka naman sa Science at Mathematics sa halos 80 iba pang mga bansa.
Ayon sa CEM, 60 porsiyento ng mga mag-aaral na nakilahok sa PISA ay walang computer at internet access sa kanilang tahanan. Ang karamihan sa mga mag-aaral ay nakakuha ng mababang marka sa PISA.
Sa ngayon, pinaka-marami ang estudyanteng gumagamit ng self-learning modules (SLMs) o
87 porsyento sa 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
May problema nga lang sa SLMs. Mismong DepEd na ang nagsabi na bukod sa magastos ay nakadaragdag lamang sa kalat ang patuloy na paggamit nito.
Nakaaalarma rin na kahit may mga de-kalidad na videos na maaaring mapanood sa YouTube channel ng DepEd TV, mayroon lamang itong halos 60,000 bilang ng mga subscribers. Ganito rin ang ating naging obserbasyon sa Valenzuela kasunod ng inilunsad na Valenzuela Live Online Streaming School o Valenzuela Live. Bagama’t ginamitan ng Facebook Live ang naturang programa para sa pag-ere ng mga aralin, 3,000 sa inaasahang 10,000 mag-aaral ang hindi nakanood sa mga aralin dahil sa kawalan ng gadgets at maayos na internet connection.
Mahalagang gawin nang bahagi ng programang pang-edukasyon ang distance learning upang maipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng mga krisis at kalamidad tulad ng pandemya ng COVID-19 at mga nagdaang bagyo.
Dahil sa pandemyang kinahaharap ng bansa ngayon, nakita natin na ang mga laptop at access sa internet ay maituturing nang pangunahing pangangailangan sa pag-aaral ng kabataan.
Naninindigan tayong walang bata ang dapat maiwan dahil lamang sa wala silang magamit na computer o kaya naman ay hindi sila makakonekta sa internet. Magsilbing hamon sana ito sa ating pamahalaan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
留言