top of page
Search
BULGAR

Libreng kolehiyo, dapat mapakinabangan ng mga kuwalipikadong mag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 08, 2021



Bagama’t patuloy na tumataas ang inilalaang pondo para sa pagpapatupad ng ating iniakdang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang Free Higher Education Law, may ilang kuwalipikadong mag-aaral ang hindi pa rin nakatatanggap hanggang ngayon ng benepisyong libreng kolehiyo kaya hindi pa sila nakakapasok sa State Universities and Colleges (SUCs) kahit nakapasa na sa admission exam.


Sa ating naging konsultasyon sa mga pangulo ng SUCs, napag-alaman nating may ilang mag-aaral na hindi pa natutuloy sa pagpasok dahil sa kakulangan sa silid-aralan, ilang pasilidad, laboratoryo, guro at iba pang pangangailangan.


Nakapanghihinayang na hindi napakikinabangan ng maraming deserving at qualified na mag-aaral sa kolehiyo ang libreng matrikula dahil sa kakulangan sa kapasidad ang ibang paaralan.


Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) Institute of Statistics, 41 porsiyento ang participation rate sa bansa pagdating sa higher education, kabilang ang enrollment sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) programs.


Mataas ang participation rate na ito kung tutuusin dahil pang-apat tayo sa ASEAN. Pero mas mataas pa sana ang participation rate natin sa higher education kung nilawakan lang ang kapasidad ng mga SUCs.


Bukod dito, kinakailangan din ng roadmap upang matugunan ang hamon ng mga SUCs pagdating sa kanilang kapasidad. Dahil wala pang sapat na datos sa kasalukuyan, inatas natin sa Commission on Higher Education (CHED) na bilangin ang mga apektadong mag-aaral.


Mula sa P38 bilyon noong 2020, ang pondo para sa Free Higher Education Law ay umakyat sa P44 bilyon ngayong taon. Para sa 2022, ang panukalang budget para sa batas ay P46 bilyon.


Mahigit isang milyong mag-aaral mula sa 114 na SUCs at 106 na Local Universities and Colleges (LUCs) ang hindi na nagbabayad ng kanilang tuition at miscellaneous fees dahil sa batas na libreng kolehiyo.


Samantala, may halos kalahating milyong mag-aaral naman ang benepisaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) at 258,000 ang benepisaryo ng programang Tulong Dunong.


Hindi man maayos agad ang problema sa kakulangan ng kapasidad ng ibang SUCs, mahalagang ngayon pa lang ay magkaroon na tayo ng target na maaari nating maabot sa mga susunod na taon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page