top of page
Search
BULGAR

Libreng internet sa public schools, ALS, state u and colleges at TESDA

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 13, 2022


Limang taon na ang nakalipas nang maisabatas ang Free Internet Access in Public Places Act o ang Republic Act No. 10929, ngunit nasa 1.8 porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng WiFi.


Hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tiyaking maaabot nito ang itinakdang target sa paglalagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga paaralan.


Ang ating mga mag-aaral ang makikinabang dito dahil paiigtingin nito ang pagdaloy ng impormasyon, lalo na para sa mga kababayan nating nangangailangan.


Ayon sa naitala noong Setyembre 2, 2022 ng Free Public WiFi Dashboard, 860 lamang sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng WiFi.


Lumalabas din sa Free Public WiFi Dashboard na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pampublikong paaralan na may libreng WiFi mula noong Oktubre 2021. Noong panahong iyon, nasa 1,190 o 2.5 porsyento ng mga pampublikong paaralan ang may libreng WiFi. Lalo itong bumaba sa 945 noong Enero 2022.


Mas lalong nabigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang digital divide, lalo na noong ipatupad ang distance learning, kung saan kinailangan ang maayos at mabilis na internet.


Ayon sa isang survey ng World Bank noong 2021 sa mga sambahayang nangangailangan, 40 porsyento lamang ang may access sa internet. Lumabas din sa naturang survey na 95.5 porsyento ng mga naturang sambahayan ay gumamit ng mga papel na modules at learning materials.


Sa ilalim ng panukalang national budget para sa 2023, P2.5 bilyon ang nakalaan para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10929.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, inihain natin ngayong taon ang Proposed Senate Resolution No. 59 upang repasuhin ng Senado ang pagpapatupad ng Free Internet Access in Public Places Act at sa Open Distance Learning Act (Republic Act No. 10650).


Layunin ng Republic Act No. 10929 na maglagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar. Layon din ng panukalang batas na maglagay ng libreng WiFi sa mga pampublikong paaralan, alternative learning system centers, State Universities and Colleges, Technical Education and Skills Authority (TESDA) technology institutions at iba pa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page