ni Thea Janica Teh | November 17, 2020
Itinaas na sa 144 sessions ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang dating 90-session dialysis coverage para sa mga miyembro na magagamit hanggang December 31, 2020.
Sa inilabas na pahayag ni PhilHealth President Dante Gierran, sinabi na maglalabas sila ng bagong guidelines para sa extension ng coverage sa pamamagitan ng circular.
Aniya, “The PhilHealth Board of Directors has approved on November 11, 2020 the continuing coverage of hemodialysis sessions beyond the 90-session limit to a maximum of 144 sessions which can be availed until December 31.”
Nakikipagtulungan na ang PhilHealth sa lahat ng regional offices at healthcare facilities upang tanggapin ang mga miyembrong nakaubos na ng 90 sessions.
Inabisuhan din ng ahensiya ang lahat ng mga miyembrong sumasailalim sa hemodialysis na nakapagbayad na sa kanilang session na mag-file sa pinakamalapit na PhilHealth office upang ma-claim ang libreng session.
Matatandaang may ilang ospital at healthcare facilities ang hindi na tumatanggap ng mga PhilHealth members na naubos na ang 90-session, kahit na sinabi ng ahensiya na walang limit sa panahon ngayon dahil nakapailalim ang bansa sa state of calamity dahil sa COVID-19 pandemic.
Comments