top of page
Search
BULGAR

Libreng bisikleta, malaking tulong ngayong pandemya

ni Grace Poe - @Poesible | June 07, 2021



Lahat, hirap ngayong pandemya, pero hindi natin maikakaila na mas matindi ang tama nito sa mga mahihirap. Lubhang limitado ang mobilidad ng mga taong walang pribadong sasakyan.


Pinakaapektado rito ang pagkilos ng mga manggagawa na walang pagpipilian kundi pumasok sa trabaho kahit limitado ang transportasyon. Sila ang mga naglalakad kung kailangan papunta sa kanilang pinapasukan. Sila ang sumusuong sa panganib na makakuha ng sakit sa mga pampasaherong sasakyan dahil hindi sila puwedeng manatili lang sa loob ng kanilang bahay.


Palagi nating pinag-uusapan ang imprastruktura para sa transportasyon at maganda ito pagtagal ng panahon. Pero sa kasalukuyan, kailangan natin ng tulong na mapakikinabangan agad ng mga nangangailangan ng mobilidad para sa trabaho. Dahil dito, iminumungkahi natin sa pamahalaan at sa pribadong sektor na magbigay ng libreng bisikleta sa mahihirap na trabahador bilang ayuda ngayong pandemya.


Sa isang sulat ng isang manggagawa sa atin, sinabi sa atin na puwedeng ibang 4Ps ang ibigay sa nangangailangang mamamayan: Pedal Project sa Panahon ng Pandemya. Sa halagang P2500 hanggang P3000 kada bisikletang secondhand pero maayos, makararating ang manggagawa sa kanyang pinagtatrabahuhan. Dagdag sa pangkain ng pamilya ang matitipid sa pamasahe.


Mayroon namang puwedeng paghugutan ng pondo para rito ang pamahalaan. Puwede itong ipasok sa mga inilaan sa Bayanihan to Build as One Act at sa iba pang batas at programa para sa mitigasyon ng kahirapan.


Bukod sa matitipid na pera sa transportasyon, malaking bagay ang kaligtasan ng mamamayan. Sa bisikleta, mas maliit ang tsansa ng pagkalat ng COVID-19 kaysa sa siksikang sasakyan.


Mabilis na solusyon ito na mararamdaman ng mga nangangailangang manggagawa na kailangan ng ligtas at maaasahang transportasyon. Naniniwala tayong sa panahong ito, ito ang mas makatutulong sa mga taong araw-araw nakikipagbuno sa unahan sa sasakyang pampubliko.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page