ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 20, 2022
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang mga prayoridad na panukalang batas na ating inihain sa 19th Congress ay naglalayong tiyakin na ang ating mga kababayan ay may mas maayos at mabilis na access sa health care at iba pang serbisyo, lalung-lalo na ang pinakamahihirap na walang malalapitan kundi ang pamahalaan.
Kabilang sa mga panukalang ito ang libreng annual medical check-ups at libreng dialysis para sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng PhilHealth, paglikha ng Emergency Medical Services Systems, pag-amyenda sa Insurance Code upang mas lalong matutukan ang mga Health Maintenance Organizations, Barangay Health Workers Compensation and Incentives Bill, Advanced Nursing Education Bill, pagtatayo ng Center for Disease Control and Prevention, at ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines at marami pang iba.
Mahalaga ang patuloy na pagpapalakas sa healthcare system dahil palagi tayong may kinahaharap na isyung pangkalusugan. Bukod sa COVID-19, naririyan ang problema natin sa dengue, na batay sa ulat ng DOH ay may mahigit ng 60,000 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 25. At dahil tag-ulan, marami pang sakit na mauuso. Kaya pakiusap, palagi tayong mag-iingat.
Bukod sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, kaakibat din ng adbokasiyang ito ang pagsiguradong malusog at malakas ang ating mga kababayan para maiwasan ang sakit. Sabi nga, ‘prevention is better than cure’. At isa sa mga paraan upang maging matiwasay ang kalagayan ng tao ay ang ehersisyo at sports na ating gustong i-promote sa mga komunidad.
Bilang Chair of the Senate Committee on Sports, isinusulong natin ang pagpapalaganap ng grassroots sports programs upang maengganyo ang mga Pilipino na makilahok sa ganitong aktibidad para mapalakas ang katawan at mailayo rin sa mga bisyo, lalo na ang kabataan natin.
Sa ating paghahatid ng tulong sa mga komunidad ay palagi nating binibigyang-diin sa kabataang benepisaryo ang importansya ng sports. Namamahagi tayo ng mga bola para may libangan sila, para na rin mahasa ang kanilang talento at mapangalagaan ang kalusugan sa kanilang komunidad. Naniniwala tayo na ang pagpapalaganap ng sports ang isa sa mabisang paraan para makaiwas sila sa ilegal na droga, iba pang bisyo at paggawa ng krimen.
Samantala, binabati rin natin ang Philippine Women’s National Football Team—ang Filipinas team—na lumikha ng kasaysayan bilang kampeon ng 2022 ASEAN Football Federation Women’s Championship. Muli nilang pinatunayan ang angking galing ng mga atletang Pilipino. Nagpapasalamat tayo sa kanilang pag-uwi ng karangalan sa ating bansa. Umaasa tayong ang kanilang tagumpay ay magbibigay ng inspirasyon sa lahat ng Pilipino para patuloy tayong maging matatag, nagkakaisa at nagbabayanihan sa harap ng anumang krisis.
Dahil sa magandang ipinakita ng ating mga atleta sa international competitions, patuloy nating isusulong ang mga programa at panukalang batas para sa long-term at grassroots sports development sa ating bansa.
Sa katunayan, isinumite natin ang panukalang Philippine National Games bilang pangunahing pambansang kompetisyon na gaganapin kada dalawang taon. Kumpara sa Palarong Pambansa, mas malawak ang sakop ng PNG para mahanap ang mga kinakailangan nating sports talents, kabilang ang mga hindi nag-aaral, para mapabilang sa national pool na sasanayin para sa international sports competitions.
Noong 2020 ay inakda natin at naisabatas ang Republic Act No. 11470 na lumikha sa National Academy of Sports (NAS) na itinayo sa New Clark City, Capas, Tarlac. Isang dream come true ito dahil pangarap nating magkaroon ng paaralan na magbibigay ng pagkakataon sa kabataang may talento sa sports na mag-training at malinang ang kanilang kakayahan habang binibigyan sila ng dekalidad na edukasyon.
Gayundin, isinulong natin ang dagdag-pondo para sa preparasyon at training ng mga atletang lumahok sa Tokyo Olympics at sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam. Kaya’t mabuting balita na nadagdagan ang natanggap na insentibo ng mga nakapag-uwi ng medalya bukod pa sa pabuyang dapat nilang matanggap, ayon sa batas.
Hindi bumibitaw ang inyong Kuya Bong Go sa pangakong magbigay ng mas komportableng buhay sa bawat Pilipino at walang maiiwan sa ating muling pagbangon.
Makikipagtulungan tayo sa Executive branch upang maipagpatuloy ang magagandang nasimulan ng dating administrasyon at kaisa rin tayo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa layunin nitong mapababa ang antas ng kahirapan, magkaroon ng sapat na supply ng pagkain, mas maparami pa ang itatayong imprastraktura at iba pang proyekto at programa tungo sa mas matatag na Pilipinas.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Commentaires