top of page
Search
BULGAR

LGUs, todo-diskarte sa pagbabakuna sa mga manggagawa, ayos!

ni Ryan Sison - @Boses | July 07, 2021



Malaking tulong sa mga manggagawa na nais magpabakuna, ngunit hindi makaliban sa trabaho ang “Bakuna Nights” o pagpapabakuna kontra COVID-19 sa gabi.


Ito ang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa pamahalaang lungsod ng Quezon City.


Dagdag pa ng kalihim, mahalagang mabakunahan ang mga manggagawa upang gumalaw ang ekonomiya, gayundin upang magbalik sa normal ang mga negosyo.


Ayon sa QC LGU, matagumpay ang isinasagawang Bakuna Nights dahil aabot na sa 20,000 ang nababakunahang manggagawa. Gayundin, balak ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng 24-oras na pagbabakuna kung magkakaroon ng suplay nito. At bagama’t paubos na ang suplay ng bakuna, tiniyak ng lokal na pamahalaan na nakareserba ang suplay para sa mga tatanggap ng pangalawang dose ng bakuna.


Matatandaang, nagpapatupad na rin ng magdamagang bakunahan ang iba pang lungsod para sa mga manggagawang hindi kayang pumunta sa vaccination sites dahil sa oras ng trabaho.


Totoo na malaking tulong ito sa mga kababayan nating hindi na kayang maglaan ng isang araw para pumila at magpabakuna. At sa halip na um-absent, puwede na silang magpabakuna pagkatapos ng oras ng trabaho. Kumbaga, walang makokompromisong kita dahil hindi maaapektuhan ang pasok sa trabaho.


‘Ika nga, ‘pag may gusto, may paraan. Kaya naman, nakatutuwa na kani-kanya nang diskarte ang mga lokal na pamahalaan para patuloy na mabakunahan ang ating mga manggagawa.


‘Yun nga lang, dapat matiyak na tuluy-tuloy ang pagdating ng suplay ng bakuna para tuluy-tuloy din ang vaccination program. Sa ibang lungsod kasi, unang dose pa lang ay tengga na ang vaccination sites dahil sa kakulangan sa suplay ng bakuna.


Kaya naman, pakiusap sa nasyunal na pamahalaan, galaw-galaw para mas mabilis na maipamahagi ang suplay ng bakuna.


Kung naniniwala tayong ang mga manggagawa ang magpapagalaw ng ekonomiya, dapat lang silang mabakunahan sa lalong madaling panahon. At mangyayari lamang ito kung hindi pahirapan sa suplay ng bakuna.


Panawagan sa gobyerno, ‘wag nating sayangin ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan para mas maraming mabakunahan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page