top of page
Search
BULGAR

LGUs, tiyaking ligtas ang mga kalye para iwas-aksidente

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 23, 2023



Maganda ang isinasagawang hakbangin ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) at ng Land Transportation Office (LTO) na bukod sa pinagsama ang dalawang sangay ng pamahalaan ay pinalakas pa ang pagsisikap para mabawasan kung hindi man tahasang mapipigilan na ang road accident.


Base sa datos ng Philippine National Police (PNP) mula Enero hanggang Pebrero ng taong kasalukuyan, lumalabas na nasa 46 road crash accident o tumaas nang 60% kumpara sa kaparehong mga buwan noong nakaraang taon.


Sa paulit-ulit na imbestigasyon ng PNP, napatunayang ‘human error’ pa rin ang pangunahing sanhi ng mga nagdaang aksidente kung saan nakapaloob dito ang nagmamaneho nang lasing, kulang sa karanasan at kaalaman, kayabangan at marami pang iba.


Sa datos na ito ng PNP, mataas ang porsyento na nasasangkot sa aksidente ay ang ating mga ‘kagulong’, na araw-araw hindi na mapigilan ang pagdami dahil sa kaway ng kabuhayan at mabilis na galawan ng mga negosyo sa bansa.


Hindi na natin maikakaila na ang paggamit ng motorsiklo ang pinakamalaking job-generating industry sa bansa na unti-unti nang umuukit sa kasaysayan, na malaking tulong hindi lang sa ekonomiya kundi sa paglago ng bansa sa kabuuan.


Ngayon, heto ang pamunuan ng INPPO dahil nakatakda nilang simulan sa kanilang nasasakupan ang pagpapalakas at pagsasaayos ng pag-uugali at edukasyon ng mga driver, partikular ang mga nagmamaneho ng motorsiklo.


Medyo special mention ng pamunuaan ng INPPO ang ating mga ‘kagulong’ dahil karaniwan umanong biktima o nasasangkot sa aksidente sa kahabaan ng national highway sa kanilang nasasakupan ay ang mga motorcycle rider.


Dito nagsanib-puwersa ang INPPO at LTO dahil isasailalim umano nila ang lahat ng nagmamaneho ng motorsiklo sa kanilang nasasakupan sa mga isasagawang libreng seminar upang mas matuto pa ang mga drivers at riders.


Simpleng panimula ang hakbanging ito ng INPPO at LTO, ngunit napakalaking bagay nito para sa ating mga kababayang tsuper at mga ‘kagulong’ dahil kahit paano ay may nakapansin na magbigay ng solusyon.


Bagama’t hindi buong bansa ang aabutin ng mga isasagawang seminar, magandang simula ito para magising ang iba pang sangay ng pamahalaan na magsagawa rin ng mga ganitong pagkilos para sa kaligtasan, hindi lamang ng mga driver kundi ng buong sambayanan.


Kahit ilang porsyento lamang sa ating mga drivers at riders ang matuto kung paano ang tamang pagmamaneho, napakalaking tulong na para mabawasan ang mga aksidente sa mga darating na panahon.


Malaking tulong din na nakipag-ugnayan sila sa Provincial Engineering Office at sa Department of Public Works and National Highways (DPWH), na agad nagsagawa na ng mga rumble strips sa mga accident-prone areas kabilang na ang paglalagay ng maraming lighting systems at pagsasaayos ng mga kalye.


Isang ordinansa rin ang nakatakdang ipasa ng Ilocos Norte Sangguniang Panlalawigan hinggil sa visibility enhancement para sa kaligtasan ng mga biyahero, kabilang dito ang mga motorcycle riders, tricycles, at kurong-kurong (sidecar gamit sa delivery) para pag-ibayuhin pa ang kanilang visibility sa gabi.


Kung dati ay dobleng pag-iingat lamang kailangan ng ating mga ‘kagulong’ ngayon ay dapat na triple na dahil may kasabihan na kapag bumangga o binangga ang nakamotorsiklo, parehong agrabyado, pero paano kung nag-iingat ka na tapos mula sa langit naman ang aksidenteng naghihintay sa isang ‘kagulong’?


Ganyang-ganyan ang nangyari sa ating ‘kagulong’ na binabaybay ang kahabaan ng Estrella St., Bgy. Tañong, Malabon City, lulan ang kanyang angkas na pasaherong babae noong nakaraang Linggo lamang ng madaling-araw nang biglang bagsakan ng poste ng Meralco.


Isinugod sa Tondo Medical Center ang rider habang sa Chinese General Hospital and Medical Center naman dinala ang kanyang pasahero na kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa poste na matagal nang nakatagilid.


Isa lang ito sa aksidente na naiwasan sana kung hindi nagpabaya ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng babala.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page