ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 07, 2022
Tama ang ating tantiya na sa pagbungad ng taon, sisipa ang Omicron variant. Binulabog na ng Omicron ang iba’t ibang bansa na bagama’t mild lang daw ito, eh, deadly naman sa bilis ang pagkalat.
Kaya naman, mabilis na ring kumikilos ang iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan para maagapan ito at hindi tayo mabulaga na naman sa hindi maiiwasang paglobo ng numero nito sa ating bansa.
Sa national government, walang problema ang galaw, pero ang mga nasa frontline na sumasabak sa giyera, partikular ang LGUs, paano makagagalaw kung kapos sa pondo? Meron naman kung tutuusin, pero hindi pa agad ma-release.
Take note, LGUs ang sumasabak ng direkta sa mga nasasakupan nilang residente na dinadale ng mga deadly virus na ‘yan sa simula pa lang.
Kaya heto nga, bilang Chairman ng Senate committee on economic affairs, nananawagan tayo sa ating economic managers na gora na sa pag-release ng pinalaking pondong laan sa LGUs sa ilalim ng 2022 national budget.
IMEEsolusyon na palakasin at armasan ng sapat na pondo angLGUs dahil sila ang direktang nasa “battlefield”. Eh, ‘di ba nga napagkaitan na sila sa mga nagdaang taon ng kanilang dapat na-share o bahagi sa buwis sa national government?
Gayung sa 2018 ruling ng Korte Suprema o ‘yung tinatawag na Mandanas-Garcia ruling, 40% ang dapat na pondong nakukubra ng LGUs sa lahat ng koleksiyong-buwis ng national government at hindi lang sa koleksiyong-buwis ng BIR kukunin, tulad ng nangyari sa mga nagdaang taon.
Nasa Php960 bilyon ang inaasahang maibibigay sa LGUs ayon na rin sa ‘tax bas’ o pinagbasehang buwis ng halos Php2.4 trilyong kuwenta ng Department of Finance (DoF).
Pero kapos ang naturang ‘tax base’ sa inaasahan ng LGUs, partikular na sa Ph431 bilyong koleksiyon sa buwis na ibinukod o hindi isinama ng DoF sa pagkuwenta nito para sa ilalaang pondo sa LGUs. Santisima!
Eh, gagastos pa ang LGUs sa paglilipat sa kanila ng national government ng iba pa nitong trabaho sa susunod na tatlong taon. Nakikiusap na ‘wag silang biglain dahil butas ang kanilang bulsa sa pondo, juicekolord, aber, saan na naman sila huhugot ng badyet para riyan?
Kaya nga, plis lang mga eco managers, ilabas na ang pinalaking bahagi sa buwis ng mga LGU frontliners, para magamit na nila sa giyera hindi lang sa pandemya, kundi sa iba’t ibang kalamidad o sakuna sa hinaharap! Now na!
Comments