ni Lolet Abania | December 9, 2021
Ginawaran ng pamahalaan ang lalawigan ng Laguna na nakapagtala ng may pinakamataas na bilang na na-administer na doses ng COVID-19 vaccine sa isinagawang three-day vaccination drive sa buong bansa ngayong Huwebes.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19, ang Laguna ay nakapagbakuna kontra-COVID-19 ng kabuuang 271,989 doses mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Habang ang Cebu City ang naiulat na lungsod na may pinakamataas na bilang na na-administer na bakuna na 103,828 doses.
Kabilang naman sa top three na munisipalidad ay Rodriguez, Tanza, at Arayat na nakapagtala ng 39,383; 25,277; at 20,955 doses na na-administer, batay sa pagkakasunod.
Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay ginawaran naman bilang rehiyon na highest improvement sa kanilang average jab rate na 785 doses.
Sa pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa Bayanihan, Bakunahan awarding event, sinabi nitong ang BARMM ay nagawang madagdagan ang kanilang output ng 10 beses.
“Actually, kausap ko po ang executive secretary ng BARMM kahapon at kinongratulate ko po siya dahil first time po na nangyari na ang kanilang vaccination ay lumagpas ng 100,000 a day,” sabi ni Galvez.
“Kaya tuwang-tuwa po siya… pagpapatuloy po nila ang kanilang vaccination. Pero napakahirap, sadyang hirap kasi mga tinatawag nating mga geographically challenged ang mga areas nila,” wika pa ni Galvez.
Samantala, ang Tawi-Tawi, ang lalawigan na itinuturing na highest improvement na may 2,668 jabs habang ang General Santos City ay ginawaran ng most improved city na may 673 jabs.
Bawat local o provincial government ay binigyan ng award ng P25,000 halaga ng SM gift certificates.
Gayunman, kahit hindi nakatanggap ng reward, ang Calabarzon ay kinikilala bilang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng doses na na-administer na 1,147,392.
Comments