top of page
Search
BULGAR

LGUs, may malaking papel sa pagbangon ng sektor ng edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 2, 2023



Malaki ang kontribusyon ng mga lokal na pamahalaan para sa pagpapayabong ng sektor ng edukasyon. Ito ang dahilan kaya muling isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawak sa tungkulin ng local school board.


Kung ating matatandaan, inihain ng inyong lingkod noong nakaraang taon ang Senate Bill No. 155 o ang 21st Century School Boards Act na layong nagpapatatag pa sa mga local school board at nagpapalawak ng pakikilahok ng iba pang mga miyembro ng komunidad. Sa ilalim ng nasabing panukala, mandato ng mga local school board na magpanukala at magpatupad ng mga polisiyang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon.


Bahagi rin ng ating mungkahi na maging responsibilidad ng mga local school board ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng mga kalamidad, sakuna, at iba pang emergency situation na nagdudulot ng paghinto ng mga klase.


Pinapalawak din ng panukalang-batas ang mga maaaring paggamitan ng Special Education Fund (SEF) na nalilikom mula sa isang porsyentong tax sa real property. Sa ilalim ng Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160), nakalaan ang SEF sa local school board para sa pagpapatakbo at maintenance ng mga pampublikong paaralan, pati na rin sa pagkukumpuni at pagpapatayo ng mga school buildings.


Nakasaad sa ating panukala na maaaring gamitin ang SEF para sa sahod ng mga guro at non-teaching personnel ng mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school, sahod ng mga preschool teachers, maging ang honoraria at allowances ng mga guro at non-teaching personnel para sa karagdagang trabaho. Sa ilalim ng panukalang-batas, maaari na ring gamitin ang SEF sa capital outlay ng preschools, pagpapatakbo ng mga programa sa ALS atbp.


Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa krisis na ating hinaharap, mahalaga ang papel ng ating mga local government unit, lalo na’t mas malapit sila sa ating mga kababayan. Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ang pagpapatatag sa ating mga local school board upang mapalawak natin ang papel ng mga komunidad sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page