top of page
Search
BULGAR

LGUS, may malaking papel para sa epektibong edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 23, 2021



Sa gitna ng inaasahang paglipat ng ilang mga tungkulin ng national government sa mga local government units sa 2022, kabilang sa isinusulong ngayon ng inyong lingkod ang pagpapatatag sa kakayahan ng mga local school boards sa paghahatid ng mga programa at serbisyong pang-edukasyon.


Sa ilalim ng Executive Order No. 138 na nilagdaan nitong taon, ipatutupad na ang “full devolution” o ganap na paglipat ng ilang mga tungkulin ng Executive Branch sa mga LGUs. Ito ay kaugnay ng Mandanas Ruling noong 2018 kung saan itinakda ng Korte Suprema na ang mga national taxes, hindi lamang iyong mga nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue, dapat maging bahagi sa pagkuwenta ng pondong natatanggap ng mga LGUs.


Naaakma ang pagpapatatag sa mga local school boards sa nakatakdang paglipat sa mga LGUs ng mga serbisyong nagmumula sa national government. Noong nakaraang taon, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act.


Layong amyendahan ng panukalang-batas ang Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991 upang palawigin ang papel ng mga local school boards.


Layunin din ng naturang panukala na palawigin ang mga kasapi ng local school boards upang mabigyan ng representasyon ang iba’t ibang sektor.


Sa ilalim ng ating panukalang-batas, magiging mandato ng local school boards ang pagpapatupad ng mga hakbang upang tiyakin ang pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng mga sakuna.


Isinusulong din ng panukalang-batas ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) para magamit sa sahod ng mga guro sa mga pampublikong elementarya at high school, pati na ng mga non-teaching, utility at security personnel.


Kabilang din sa maaaring gamitin sa pinalawig na gamit ng SEF ang sahod ng mga pre-school teachers, capital outlay sa mga preschool, pagpapatakbo ng mga programa para sa Alternative Learning System (ALS), mga klase sa distance education at programa para sa training.


Magiging mandato rin ng local school boards ang pagpapatupad ng mga repormang maaaring masukat sa bilang ng kabataang pumasok, sa bilang ng mga dropouts at out-of-school youth, mga achievement scores sa mga national tests at assessments, at iba pa.

Nitong panahon ng pandemya, nakita natin ang mahalagang papel ng mga LGUs sa pagpapatuloy ng edukasyon. Ngayong palalawigin na ang mga serbisyong ihahatid ng mga LGU, napapanahon din ang pagpapatatag natin sa mga local school boards nang sa gayun ay maging mas mabisa ang paghahatid ng edukasyon at pag-angat sa kalidad nito sa bansa. Kaya naman bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ito ang ating binibigyang-diin at puspusang tinututukang panukala na maipasa sa lalong madaling panahon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page