ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 14, 2021
Ngayong naaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Moderna COVID-19 vaccine para sa mga batang may edad 12 hanggang 17, mariing nananawagan ang inyong lingkod sa mga local government units (LGUs) na maghanda na para sa pagpapabakuna ng mga bata para sa kanilang proteksiyon at para na rin matugunan ang pinsala na dulot ng pagsasara ng mga paaralan.
Titiyakin ng pagpapabakuna ng kabataan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes.
Sa Pulse Asia Survey, na kinomisyon ng inyong lingkod noong Hunyo 7 hanggang 16 na mayroong mahigit isang libong kalahok, 44 porsiyento sa kanila ang sumasang-ayon sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, 33 porsiyento ang hindi tiyak, habang 23 porsiyento naman ang hindi sumasang-ayon. Sa mga hindi sumasang-ayon, 90 porsiyento ang nagsasabing hindi pa ligtas pumunta sa mga paaralan dahil sa pandemya. Halos 60 porsiyento naman ang nagsasabing wala pa kasing bakuna ang maaaring ibigay sa mga kabataan.
Habang balak naman ng pamahalaan na simulan na ang pagpapabakuna ng mga kabataan ngayong Setyembre o sa Oktubre sa kasalukuyang taon, dapat nang simulan ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan. Mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan sa National Task Force (NTF) Against COVID-19, sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), at Department of Education (DepEd).
Maliban sa Moderna, nauna nang inaprubahan ng FDA ang paggamit sa Pfizer-BioNTech vaccine para sa mga menor-de-edad mula 12 hanggang 15. Humihingi na rin ng pahintulot ang drugmaker na Sinovac na magamit ang COVID-19 vaccine nito para sa mga batang may edad tatlo hanggang 17.
Ang panawagan ng inyong lingkod ay payagan na ang mga LGUs at private schools na bumili na ng kanilang bakuna para sa kanilang guro, school officials, estudyante, at iba pang kabataan. Sa ganitong paraan ay tiyak na mapabibilis natin ang vaccine rollout sa mga paaralan at LGUs. Ito ang epektibong solusyon upang unti-unti nang magbukas ang mga paaralan sa buong bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments