by Info @Editorial | Jan. 24, 2025
Kapansin-pansin na bagama’t tapos na ang holiday season, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kaugnay nito, inihirit na paganahin na ang Price Monitoring Council, na salig sa Republic Act 10623.
Ang nasabing batas ay nagbibigay ng proteksyon sa mga konsyumer mula sa labis na pagtaas ng presyo ng mga produkto. Kaya apela sa mga city at provincial government, i-reactivate na ang mga naturang konseho upang mabantayan ang taas-presyo.
Hinimok din ang mga LGU official na magsagawa na ng emergency meeting kasama ang iba’t ibang stakeholder para matugunan ang price stabilization sa gitna ng pagtaas ng presyo ng basic goods, services at mga produktong petrolyo.
Iminungkahi rin ang pagbuo ng task force na magmo-monitor sa presyo, supply chain, at iba pang kaganapan sa merkado.
Masasabing mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Isa sa mga pangunahing responsibilidad ng mga LGU ay ang mag-monitor at magpatupad ng mga regulasyon upang mapigilan ang pang-aabuso ng mga negosyante na maaaring magtaas ng presyo nang walang sapat na dahilan.
Kailangang pagtulungan na ma-regulate at mabantayan ang presyo ng mga bilihin tungo sa mas maayos at makatarungang lipunan. Hindi ito madali at tiyak na may mga hamon, ngunit ang tamang pagpapatupad ng mga polisiya ay magbibigay ng proteksyon sa mamamayan at magpapalakas sa tiwala sa pamahalaan.
Comentários