top of page
Search
BULGAR

LGBT, tutulungan daw niya… NORA, PAPALITAN SI VILMA SA KONGRESO

ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 10, 2021




Nagpahayag na ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na hindi na siya tatakbo sa kahit anong posisyon this coming 2022 elections. Gayunpaman ay sinabi nitong patuloy pa rin daw siyang tutulong sa madlang pipol sa abot ng kanyang makakaya.


Tipo kasing ini-enjoy ni Ate Vi ang kanyang vlog sa YouTube dahil masaya siyang nakikipagtsikahan kasama ang anak na si Luis Manzano at ang wifey nitong si Jessy Mendiola.


‘Niwey, kung si Vilma ay out na sa pulitika or sa Kongreso, si Superstar Nora Aunor naman ang tipong papalit kay Ate Vi at totohanan na nga ang balita ‘coz nagbigay na ng press statement ang Superstar.


“NORA AUNOR PRESS STATEMENT


“Ako po si Nora Cabaltera Villamayor o mas kilala bilang Nora Aunor sa Philippine Showbiz ay kumpirmado pong tatakbo po sa Halalan 2022 sa pamamagitan po ng party list na (NORA A) National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.


“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan. Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami.”


Una sa listahan ng mga gustong tulungan ni Ate Guy ay ang mga kasamahan niya sa industriya na gusto niyang mabigyan ng sapat na medical assistance, gayundin ang mga nasa media na karamihan ay walang fixed na suweldo.


Aniya, “Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran nang tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila.”

Pangalawa, gusto raw niyang mabigyan ng dagdag na pensiyon ang mga tulad niyang senior citizen na.


“Sa akin po kasing obserbasyon ay mas nakikinabang nang malaki ang mga nasa mauunlad na bayan na may malaking IRA. Kawawa po ang mga nasa malalayong pamayanan na wala pong pondo ang kanilang mga munisipalidad. Ang gusto ko pong maisabatas dito ay magkaroon ng National Fund para makinabang po ang mga senior citizens sa buong Pilipinas.”


Pangatlo sa mga gusto niyang tutukan ay magkaroon ng karagdagang pondo para sa mga OFWS.


“Para po hindi na maulit ang malagim na sinapit ng iba po nating kababayang OFWs. Karapat-dapat po silang bigyan ng atensiyon dahil napakalaki po ng kontribusyon nila sa ekonomiya ng ating bansa.”


Pang-apat, gusto niyang madagdagan ang pondo ng mga state universities para marami pang mga kabataan ang makinabang at magkaroon ng magandang kinabukasan. Gusto rin daw niyang isulong na mapataas ang suweldo ng mga guro.


Panglima, dahil malapit kay Ate Guy ang mga members ng LGBTQIA+, gusto raw niyang magsulong ng mas mabagsik na batas na poprotekta sa mga bading at tibo para magkaroon ng patas na karapatan at hindi ma-discriminate.


Ang iba pang sector na gustong tutukan at tulungan ni Ate Guy ay ang mga magsasaka, ang pangangailangang pang-kalusugan ng mga Pinoy at ang kabuhayan.


Aniya pa, “Ang lahat po ng ito ay maisasakatuparan ko po kung ako po ang inyong susuportahan. Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin.”


Good luck sa ating nag-iisang Superstar!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page