top of page
Search
BULGAR

LEUKEMIA AT PAGSUSUKA NG DUGO, DINANAS NG 14-ANYOS NA NAMATAY SA BAKUNA

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 5, 2023


Itinuturing ng mga magulang na malaking kayamanan ang magkaroon ng anak na may malasakit sa kanilang pamilya. Mapalad si Gng. Alice Capellan ng San Mateo, Rizal, sa kanyang anak na si Edwin Jan C. Bognot sa pagkakaroon ng magandang katangian na ito.


Ayon sa Salaysay ni Gng. Alice, si Edwin ay “Masipag at responsableng anak dahil tumutulong siya sa pagtitinda ng gulay bago siya pumasok sa kanyang paaralan.”


Higit pa rito ang nais gawain ni Edwin, subalit 14-anyos pa lamang siya nang pumanaw.



Nag-aagaw-buhay na siya, ngunit nasabi pa rin niya kay Gng. Alice na malungkot siyang ‘di na niya matutupad ang pangarap niyang alagaan ang kanyang ina sa pagtanda nito.


Si Edwin na namatay noong Hulyo 11, 2020, ang ika-155 na naturukan ng Dengvaxia under ng Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA). {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ito ng kanyang mga magulang, at ayon sa Certificate of Death, ang sanhi umano ng kanyang pagkamatay ay Brain Herniation Syndrome (Immediate Cause); Intracranial Bleed (Antecedent Cause); Acute Myelogenous Leukemia (Underlying cause) at Hyperleukocytosis (Other significant conditions contributing to death).


Si Edwin ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa San Mateo, Rizal. Ang una ay noong Hunyo 28, 2016 at pangalawa noong Enero 11, 2017.


Ayon sa Salaysay ni Gng. Alice, siya ay isang malusog, masayahin at aktibong bata. Dagdag pa niya, “Si Edwin ay hindi pa nagkaroon ng dengue at kailanman ay hindi nagkaroon ng malubhang karamdaman o naospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan ay malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng agaran niyang pagpanaw.”


Pagdating ng taong 2019, narito ang naging karamdaman ni Edwin:

  • Marso - Nagsimula siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan, lagnat at pagkahilo. Matapos ang ilang araw ay nawala rin ang pananakit ng tiyan ni Edwin, ngunit sumakit naman ang kanyang ulo at nilagnat.

  • Abril 4 - Mayo 9 - Nahilo at namumutla siya, pina-check-up siya sa isang ospital sa Rodriguez, Rizal. Ang resulta ng laboratory examination ay mababa umano ang kanyang hemoglobin, platelet, CBC atbp. Pinayuhan si Gng. Alice na ilipat sa isang ospital sa Quezon City si Edwin, sapagkat kulang sa pasilidad ang ospital na pinagdalhan. Sa nabanggit na ospital, maraming doktor ang tumingin sa kanya. Sinabihan si Gng. Alice na mayroon umanong leukemia si Edwin. In-admit agad siya nanatili sila roon ng mahigit isang buwan. Sinabihan sila ng mga doktor na isasailalim siya sa chemotherapy. Mayo 9, ay lumabas siya sa nasabing ospital.

  • Mayo 16 - Sa kanyang follow-up check-up, nakita ng mga doktor na mababa ang kanyang hemoglobin kaya sinalinan siya ng dugo.

  • Hunyo 6 - Nag-follow-up check-up sila sa ospital sa Quezon City para sa kanyang platelet concentrate transfusion, ngunit ‘di ito natuloy dahil sa kawalan ng platelet concentrate.

  • Hunyo 9 - Ibinalik siya sa nasabing ospital dahil nagkalagnat at umihi na siya ng dugo. Nagtagal sila ng halos mahigit dalawang linggo. Nagkakalagnat at dumura na siya ng dugo, at parte diumano ‘yun ng chemotherapy.

  • Hunyo 24, 27 at 28 - Nakalabas na si Edwin ng ospital, patuloy pa rin siya sa pag-inom ng gamot. Matapos ang tatlong araw, ibinalik siya sa ospital para sa kanyang follow-up check-up.

  • Hunyo 28 - Nag-chemotherapy siyang muli.

  • Hulyo 5 at 12 - Inilabas siya ng ospital at pinayuhang bumalik sa Hulyo 12 para sa kanyang CBC.

  • Agosto 13 hanggang 20 - Muli siyang na-confine dahil sa impeksyon at siya ay nilagnat muli. Nagtagal din siya ru’n hanggang Agosto 20.

  • Setyembre 4 at 12 - Isinagawa muli ang kanyang push chemotherapy.

Narito ang kanyang pinagdaanan noong Hulyo 2020, hanggang sa siya ay pumanaw.

  • Hulyo 8 - Ayon sa mga doktor, hindi na kayang gamutin si Edwin ng mga gamot kaya iuwi na lang siya at ‘yun din ang ginawa ni Gng. Alice.

  • Hulyo 10 at 11 - Noong Hulyo 10 ay sinabihan na ni Edwin si Gng. Alice na pakawalan na niya ito, ‘wag na siyang ibalik sa ospital dahil ganundin ang kalalabasan at hindi na kakayanin ang mga gastusin. Nagsusuka na umano ito ng dugo, at pati ang ihi niya ay may dugo na rin. Isinugod siya ni Gng. Alice sa ospital bandang alas-10:00 ng gabi, at pagdating du’n, hindi na rin siya nalunasan. Tuluyan siyang pumanaw, alas-7:46 ng umaga, noong Hulyo 11, 2020.

Hinaing ni Gng. Alice,“Napakasakit para sa akin bilang isang ina na mawalan ng anak. Malaki ang hirap na dinanas ni Edwin dahil sa Dengvaxia, at nang araw na tinurukan ng bakuna kontra dengue ang aking anak, walang nagpaliwanag sa akin kung ano ba talaga ang magiging epekto nito sa kalusugan, maliban lamang sa binigay nilang papel na binigay ng kanyang guro na kailangan pirmahan dahil para sa kalusugan niya raw ito.


“Sa kabila ng mahabang gamutan, hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Pabalik-balik kami sa ospital pero hindi siya bumubuti. Hindi naman siya sakiting bata bago siya maturukan ng Dengvaxia. Sa sampung anak ko, silang dalawa lamang ni Abegail C. Bognot ang naturukan ng Dengvaxia at nagkaroon ng karamdaman. Ngayon, ako ay nangangamba sa kalusugan ni Abegail dahil may mga araw na sumasakit ang tiyan nito at nakararanas ng pagdugo ang kanyang gilagid.”


Hirap na hirap nang huminga si Edwin, ngunit ang ina pa rin niya ang kanyang inaalala, hiniling niya noon na patugtugin ang “Awit Kay Inay.” Tunay ngang ang bawat isa sa mga batang naging biktima ng Dengvaxia ay may iba’t ibang kuwento na nakakabagbag damdamin.


May kani-kanya silang pangarap na binigyang tuldok ng mabagsik na bakuna na kumitil ng kanilang buhay. Isa lamang si Edwin sa mga batang ‘yun. Siya ay kabilang sa mga kabataang Dengvaxia vaccinees na pumanaw, mga biktimang mapagmahal sa kanilang magulang at mabubuting halimbawa ng kanilang henerasyon.


Sila ay kasama sa Dengvaxia cases na itinataguyod ng aming Tanggapan laban sa hukuman. Sa ipinagkakapuring mga halimbawang ito ng kanilang henerasyon, tuloy ang aming laban – sa gitna ng sariling mga laban ng aming Tanggapan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page