ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 14, 2021
Nabuhayan ang kampanya ng Los Angeles Clippers matapos makuha ang kumbinsidong 132-106 panalo sa bisitang Utah Jazz sa Game Three ng Western Conference semifinals sa pagpapatuloy ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Staples Center. Maaaring maitabla ng Clippers ang seryeng best of seven sa Game Four ngayong Martes sa Los Angeles pa rin.
Umarangkada agad ang Jazz sa 8-0 lamang upang buksan ang aksyon subalit nabura ito agad ng Clippers sa likod nina Paul George, Kawhi Leonard at Reggie Jackson upang makuha ang first quarter, 27-23. Mula roon ay hindi na pinaporma ang Utah at unti-unting lumayo ang Clippers.
Dalawang tres nina Leonard at Nicolas Batum ang tumuldok sa 10 sunod-sunod na puntos para sa 116-95 lamang papasok sa huling limang minuto. Tila iyon ang nagsilbing maagang knockout at lumobo lalo ang lamang ng Los Angeles sa 128-100 at 1:37 sa orasan.
Nagtapos si Leonard na may 34 puntos at 12 rebound habang hindi malayo si George na may 31 puntos buhat sa anim na tres. Malaki ang tulong nina Jackson at Batum na parehong may tig-17 puntos.
Sa gitna ng maalat na shooting ng Jazz, nakagawa pa rin ng 30 si Donovan Mitchell at sinundan ni Joe Ingles na may 19. Nag-ambag ng 14 puntos si Sixth Man Jordan Clarkson.
Samantala, nakahanda nang ilabas ng Phoenix Suns ang walis sa Game Four nila laban sa Denver Nuggets simula 8:00 ng umaga. Lamang sa seryeng best of seven ang Suns, 3-0, at isang panalo na lang ang kailangan nila para maging unang koponan na papasok sa West Finals.
Sa isa pang Game Four sa East semis, sisikapin ng Milwaukee Bucks na maitabla ang kanilang serye kontra sa bisitang Brooklyn Nets sa 3:00 ng umaga. Matapos pabayaan ang Nets na gumawa ng 115 at 125 puntos sa kanilang unang dalawang laro, nagtrabaho ang depensa ng Bucks upang makuha ang Game Three, 86-83.
Comentários