ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 29, 2021
Talagang ibang klase ang numero uno sa NBA Utah Jazz kapag naglalaro sa Vivint Arena. Pinatikim muli ng Jazz ng talo ang bisitang Memphis Grizzlies, 126-110, para sa kanilang ika-19 na panalo sa 21 laro sa kanilang tahanan at pangkalahatang 34-11.
Umapoy para sa 35 puntos si Donovan Mitchell sa 28 minuto sa sahig. Pumukol ng limang tres si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson para magtapos na may 28 puntos sa 29 minuto habang double-double si Rudy Gobert na 16 puntos at 14 rebound.
Sinalubong ng Los Angeles Clippers ang numero uno sa Eastern Conference Philadelphia 76ers at ang kanilang dating coach Doc Rivers ng 122-112 na tagumpay. Walang nakapigil sa mga All-Star na sina Kawhi Leonard na nagsumite ng 28 puntos at Paul George na may 24.
Ipinasok ni Harrison Barnes ang tres sabay sa huling busina para makatakas ang Sacramento Kings sa bisitang Cleveland Cavaliers, 100-98. Nagtapos si Barnes na may 16 puntos at 11 rebounds upang hindi masayang ang 36 puntos ni De’Aaron Fox.
Sinundan ni All-Star Zion Williamson ang kanyang 39 puntos kontra sa Denver Nuggets noong isang araw ng 38 puntos upang buhatin ang New Orleans Pelicans sa Dallas Mavericks, 112-103. Tumulong sina Nickeil Alexander-Walker na may 20 puntos at Brandon Ingram na may 19.
Nabuhay ang kampanya ng Boston Celtics sa tagumpay sa Oklahoma City Thunder, 111-94. Uminit ang All-Star tambalan nina Jayson Tatum at Jaylen Brown para sa 27 at 25 puntos at nanalo muli ng dalawang sunod ang Celtics matapos huling mangyari ito noong Marso 4 bago ang All-Star Game.
Tinalo ng San Antonio Spurs ang bisitang Chicago Bulls, 120-104, at bahiran ang unang laro ni All-Star Nikola Vucevic bilang Bull matapos lumipat galing Orlando Magic. Bumida sa Spurs sina Jakob Poeltl na may 20 puntos at DeMar DeRozan na may 17 para ibigay kay Coach Gregg Popovich ang kanyang ika-1,300 na panalo sa kanyang karera bilang head coach buhat pa noong 1996.
Comments