top of page
Search
BULGAR

Legit na trike drivers, bawi-kita sa ‘No Plate, No Travel’ Policy

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 9, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Tuwang-tuwa ang lider ng mga lehitimong Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) dahil sa tinugunan na ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang reklamo hinggil sa talamak na kolorum na nagresulta sa 50 porsyento ang itinaas ng kanilang kita araw-araw mula nang ipatupad ang patakarang “No Plate, No Travel” noong Hulyo 1.


Umabot sa kabuuang 101 tricycle ang na-impound sa isang linggong pagpapatupad ng policy na ito sa Quezon City ng LTO at ng city government.


Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, patuloy na ipatutupad ang patakaran, sa tulong na rin ng mga pinuno at miyembro ng TODA ng QC.


Nagpasalamat naman ang pamunuan ng LTO sa mga TODA member dahil umano sa kanilang tiwala at suporta sa ahensya na nangako na susuportahan ang mga lehitimong tricycle driver na namamasada ng patas na matagal nang nagrereklamo.


Dahil sa ginawa ng LTO, sinabi ng mga miyembro at lider ng TODA sa lugar na nabawi nila ang nawalang kita mula nang simulan ang operasyon laban sa mga kolorum na tricycle.


Batay sa datos ng ahensya, may kabuuang 101 tricycle ang na-impound simula noong Hulyo 1 habang nasa kabuuang 123 tricycle driver ang nabigyan ng traffic violation ticket.


Nilinaw ni Mendoza na ang operasyon ay para protektahan ang mga lehitimong tricycle operator at drivers na nawawalan ng kanilang kita dahil sa mga hindi rehistradong tricycle.


Bagama’t nagrereklamo ang mga na-impound na tricycle ay wala namang humpay ang pasasalamat ng mga legit na bumibiyahe ng tama at sumusunod sa regulasyon dahil sa nabawi na umano nila ang kanilang kita na lantarang ninanakaw ng mga kolorum.


Ang “No Plate, No Travel” policy sa lungsod ay magiging pilot test para sa pagpapatupad nito nationwide sa lalong madaling panahon, at sana ay maging aral ito sa iba pang lugar na santambak ang kolorum dahil paparating na rin sa inyong lugar ang LTO.


Ngayon pa lamang, dapat na kumilos na ang napakaraming tricycle na kolorum sa iba’t ibang bahagi ng bansa para hindi na kayo matulad sa mga na-impound sa QC.


Tandaan natin na hindi basta-basta lang nag-o-operate ang LTO dahil tugon ito sa sandamukal na reklamo ng mga lehitimong tricycle operator at drivers na bumibiyahe ng patas ngunit naagawan ng kita ng mga kolorum.


Sa puntong ito, malungkot man ang mga na-impound ang tricycle dahil kolorum, tuwang-tuwa naman ang mga tricycle na sumusunod sa batas.   

Kaya sa LTO, keep up the good work!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page