ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 29, 2024
Sa wakas ay bibigyang prayoridad ng Kamara de Representantes ang pagpasa ng panukala kaugnay ng legalisasyon ng motorcycle taxi at ireporma ang kasalukuyang regulasyon ng Transportation Network Vehicle Services (TNVS) sa bansa.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (P-BBM), tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bibigyang prayoridad ng Kamara ang pagpasa ng bill patungkol sa motorcycle taxi legalization.
Nauna nang ipinakita ni P-BBM ang pagnanais nito na bigyan ng mas maraming opsyon ang mga komyuter na Pilipino, batay sa kanyang suporta na gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi at paluwagin ang regulasyon sa TNVS.
Ang posisyon ni P-BBM ay kanyang inihayag matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Grab Holdings Inc. sa Malacañang kung saan nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming paraan ng pagbiyahe at solusyon sa mga problema sa sektor ng transportasyon.
Isang positibong direksyon na mismong si Speaker Romualdez ay nagpapakita ng kagustuhang isulong ang kapakanan ng ating mga kababayan pagdating sa kahalagahan na mapaunlad ang transportasyon sa bansa.
Layunin ng panukala na tugunan ang mga balakid sa legal na pagbiyahe ng mga motorsiklo na ipinagbabawal sa kasalukuyang batas.
Sa ngayon ay nag-o-operate ang mga motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu sa ilalim ng pilot testing lamang na sinimulan noong 2019.
Magandang nakita na rin ng lider ng Kamara na may nakabinbing motorcycle taxi bill na pakikinabangan ng ating mga kababayan na magkaroon ng pagkakakitaan mula sa industriya ng motorcycle taxi.
Mayroong nakabinbin na motorcycle taxi bill sa Kamara, kung saan nakapaloob din ang pagkakaroon ng regulasyon para sa mga App-Driven Transport Network Companies.
Layunin ng regulasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maging kabalikat ito sa pagpapaunlad ng bansa. Sa kabuuan, ang pagkakaroon ng maayos at organisadong panuntunan ay nagpapahiwatig na talagang nagiging progresibo na ang ating bansa.
Nagkakaroon na ng liwanag ang ating ipinaglalaban na regulasyon at magiging madali na rin ang proseso sa mga panuntunan ng ating lumolobong sektor.
Ang legalisasyon ng motorcycle taxi ay magiging malaking tulong sa mithiing magkaroon ng pagpipilian ang mga pasahero, drivers at mga negosyo lalo na ang MSMEs.
Ang hakbanging ito ay hindi lamang upang matugunan ang pangangailangan para mas mapabilis ang biyahe ng mga pasahero kundi nag-aambag din ito sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya at iba pang pagkakataon sa bansa. Positibo ang ating hakbangin sa Kongreso mga ‘kagulong.’
Nakakataba ng puso mga ‘kagulong’ na ang pagbibigay prayoridad ni Speaker Romualdez sa House Bill 3412 na akda mismo ng 1-Rider Partylist ay tugon ng Kamara sa pagpapaganda ng transportation infrastructure at regulatory environment ng bansa alinsunod sa pagnanais ng Pangulo na makasama sa pag-unlad ng Pilipinas.
Kaugnay nito, nanawagan din si Speaker Romualdez sa aming mga kasamahan sa Kongreso na suportahan ang panukala at iginiit ang positibong epekto nito sa mga komyuter, sektor ng transportasyon, at ekonomiya ng bansa.
Sana ay hindi na magkaroon ng kahit maliit na problema upang maisakatuparan na natin ang matagal ng minimithi ng ating mga ‘kagulong’ na maging legal ang motorcycle taxi sa bansa. Maghawak-hawak tayo ng kamay mga ‘kagulong’ at sabayan natin ng panalangin upang makamit ang matagal na nating pinagsisikapan.
Sabagay, masyado nang matagal ang ating pinaghihintay para maging legal na ang motorcycle taxi sa bansa na kung hindi pa maisasaayos ay inaasahang manganganak pa ng iba’t ibang problema sa mga darating na panahon.
Sa balitang ito ay tiyak na marami sa ating mga ‘kagulong’ ang mataas ang moral dahil nakakita tayo ng bagong pag-asa. Kapakanan lamang ng ating mga kababayan ang ating prayoridad.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments