ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 14, 2024
LEGAL NA STL MAY AMBAG SA HEALTH CARE AT KITA SA CALOOCAN CITY, PERO ANG RAKET NA STL-BOOKIES AT LOTTENG SA BULSA NINA GAMBLING LORDS ‘CARLO’ AT ‘OYE’ NAPUPUNTA -- Mula nang mag-operate ang raket na STL-bookies, lotteng at EZ-2 nina alyas “Carlo” at “Oye” sa Caloocan City ay nakakaranas na raw ng pagkalugi ang legal na Small-Town Lottery (STL) sa lungsod na ito.
Ang legal na STL ay nagpapasok ng buwis sa pamahalaan para sa health care ng mga mahihirap na Pinoy na may sakit, samantalang ang kinikita ng mga gambling lords na sina “Carlo” at “Oye” sa kanilang raket na STL-con jueteng, lotteng at EZ-2 ay sa sariling bulsa nila napupunta.
Panawagan natin kina Maj. Gen. Sidney Hernia ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Brig. Gen. Rizalito Gapas ng Northern Police District (NPD) na ipaaresto ang dalawang gambling lords na ito para hindi tuluyang malugi ang legal na STL na nagbibigay ng pondong pang-health care sa Caloocan City, period!
XXX
KASIRAAN SA MAG-AMANG CONG. OCA AT MAYOR ALONG MALAPITAN GINAGAWA NG 2 GAMBLING LORDS KAYA’T DAPAT IPAHULI KAY COL. DOLES ANG 2 ILEGALISTA -- May impormasyon na habang nagpapataya raw ng STL-con jueteng, lotteng at EZ-2 sa mga bahay-bahay ang mga kubrador nina "Carlo" at "Oye" ay sinasabayan daw ng mga ito ang pangangampanya pabor sa mag-amang Cong. Oca Malapitan at Mayor Along Malapitan.
Malamang, ang ginagawang ito nina "Carlo" at "Oye" ay para masira ang pangalan ng mag-amang Malapitan kasi sa totoo lang ay bad tingnan na may mga ilegalistang nangangampanya para sa mga pulitiko.
Kaya’t kapag nalaman ng mag-amang Malapitan ang ginagawa nina "Carlo" at "Oye" ay tiyak uutusan ng mga ito si Caloocan City chief of police, Col. Paul Doles na dakpin sina "Carlo" at "Oye" pati ang kanilang mga kubrador, abangan!
XXX
BAGO NA ANG RD NG CENTRAL LUZON, PERO JUETENG SA GAPO TULOY PA RIN ANG OPERASYON -- Bago na ang regional director ng Central Luzon sa katauhan ni PNP-Region 3 Director, Brig. Gen. Red Maranan, pero ang jueteng sa Olongapo City ay hindi pa rin natitigil, walang otoridad na nanghuhuli sa mga kubrador ng jueteng sa Gapo.
Kailan kaya ipag-uutos ni Gen. Maranan ang pagpapahuli sa mga maghu-jueteng sa Gapo? Abangan!
XXX
RAKET NA SAKLA SA MUNTINLUPA CITY AT LAS PINAS CITY, KASIRAAN KINA MAYOR RUFFY BIAZON AT MAYOR MEL AGUILAR -- Lantaran na naman daw ang raket na sakla ni "Walter" sa Muntinlupa City at nina "Rodel," "Jake" at "Joseph" sa Las Pinas City.
Sa totoo lang, ngayong panahon ng eleksyon ay malaking kasiraan kina Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Las Pinas City Mel Aguilar na may mga saklaang namamayagpag sa kanilang mga nasasakupan, kaya’t ang dapat nilang gawin ay hilingin kay Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Leon Rosete na hulihin ang mga magsasaklang ito sa kanilang mga jurisdiction, period!
Comments