top of page
Search
BULGAR

Lechon, binatikos... Bday ni P-Duterte, simple lang - Sen. Go

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 29, 2021




Dinepensahan ni Senator Bong Go ang mga bumabatikos sa kumakalat na larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa idinaos nitong ika-76 na kaarawan sa Davao kasama ang mga kamag-anak nitong Linggo, Marso 28.


Matatandaang unang lumabas sa social media ang larawan ng Pangulo habang hinihipan ang kandilang nakatusok sa nakaumbok na kanin. Kasunod nitong kumalat ang video kung saan makikita na hindi lamang iyon ang nakahain sa lamesa ng Pangulo kundi mayroong lechon at iba pa.


Batay sa ilang kritiko, huwag nang magpanggap na mahirap sapagkat insulto iyon sa totoong naghihirap.


Ayon pa sa tweet ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite, "Acting poor for your birthday photo ops when you're not really poor is just mocking those who truly have nothing to put on their tables for their own birthdays.”


Giit naman ni Senator Go, “Simple lunch lang naman talaga. Sila-sila lang pamilya sa munting tahanan niya sa Davao. Ganu'n naman mag-birthday si PRRD. Wala pa ngang bihis. Presidente 'yan. Ayaw n'yo bang pakainin man lang ng pagkain na kinakain naman ng ordinaryong Pilipino kahit saan... Kahit man lang sa kaarawan niya? Sa mga bumabatikos kay Pangulo, tingin kayo sa salamin. Mas cute pa ang lechon sa inyo. Per PRRD, labinglimang apo at kasambahay ang kumain. Ano palang ipapakain niya?”


Sagot pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Tingin ko naman, utak talangka lang po 'yan. Birthday naman po ng Presidente, 76th. Ang importante, hindi po magarbo ang selebrasyon. Hindi naman sinasabi ni Presidente na kahit kailan na siya ay nagugutom.”


Sa ngayon ay burado na ang kumalat na video.


Inaasahan namang babalik sa Maynila ngayong araw si Pangulong Duterte upang salubungin ang pagdating ng 1 million doses ng Sinovac COVID-19 vaccines mula sa China.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page