top of page
Search
BULGAR

Learning Recovery Program ng mga kabataan, mas palakasin

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 13, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Matatandaang isinulong na natin noon ang malawakang reporma sa National Learning Recovery Program (NLRP) sa ilalim ng Department of Education (DepEd). Pero napag-alaman natin sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na hindi pala natutugunan ang dapat sana’y target na mga mag-aaral na nangangailangan ng intervention. Bukod dito, lumalabas na hindi rin epektibo ang ipinapatupad na programa upang makasabay ang mga mag-aaral sa kanilang grade level.


Target ng DepEd na isailalim sa pagsusulit ang 1.7 milyong estudyante ng Grade 7 ngunit tanging 53.69 porsyento lamang ang nakalahok. Ayon sa mga datos, nasa 10 porsyento lamang ng mga mag-aaral na nangangailangan ng intervention ang dumalo sa learning camps. Palibhasa, boluntaryo lang kasi ang pagdalo sa mga ganitong learning camp, sabi ng DepEd. 


Bukod dito, hindi nagpapabuti ng mga marka o score ng mga mag-aaral ang National Learning Camp Assessments (NLCA) na isinagawa para sa mga estudyante ng Grade 8. Batay sa pangkalahatang resulta ng 2023 NLCA, habang ang average ng mga Grade 8 sa mga pre-test sa English, Science, at Math ay 37.23, ang average naman ng mga nasa Grade 9 sa post-test ng parehong mga subject ay 35.74 lamang.


Nang dahil sa kakulangan ng sapat na datos ay hindi mabisang nata-target at naaabot ng DepEd ang mga mag-aaral na nangangailangan ng interbensyon. At dahil hindi natutukoy ng programa ang mga estudyante na dapat na suportahan, hindi rin epektibo ang paggamit ng pondong inilalaan para rito.


Sa madaling salita, kailangan nating ayusin ang intervention program dahil maraming mag-aaral ang nangangailangan ng tulong sa kanilang pag-aaral. Kailangan nila ng government resources. Kaya naman hinihimok ng inyong lingkod na gamitin ang lahat ng mga pondo para rito.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy ang pagsulong ng mga panukala na makatutulong sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon, kabilang na ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 1604).


Inaasahan nating raratipikahan na ito ng Kongreso. Layon ng naturang panukalang batas na magtaguyod ng intervention programs para sa mga bata at magkaroon ng mga sistematikong tutorial session at dinisenyong intervention plans sa pag-aaral.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Recent Posts

See All

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page