top of page
Search
BULGAR

‘Learning loss’, tutugunan ng ARAL Program

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 1, 2023

Learning recovery. Ito ang isa sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa sektor ng edukasyon upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya sa ating mga mag-aaral.


Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga estudyante sa bansa — lalo na sa 28 milyong mag-aaral na bumalik na sa kanilang mga paaralan. Kung ating matatandaan, ibinalik na ang full face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan noong Nobyembre 2022 pagkatapos ng higit dalawang taon ng remote at blended learning dulot ng pandemya ng COVID-19.


Dahil kasi sa kawalan ng face-to-face classes noong kasagsagan ng pandemya ay umurong ang kaalaman ng mga mag-aaral o nagkaroon ng tinatawag nating learning loss. Tinataya ng World Bank na buhat noong Hunyo 2022, umabot na sa halos 91% ang learning poverty sa buong bansa. Ibig sabihin, siyam sa 10 batang Pilipino na nasa edad na 10 ang hindi kayang magbasa o makaunawa ng maikling kuwento.


Tinataya rin ng World Bank na bababa ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) o magiging katumbas na lamang ng anim na taon ang 12 taon ng basic education dahil sa epekto ng pandemya.


Kaya naman umaasa tayo na alinsunod sa education agenda ng pamahalaan ay mapabilis din ang pagsasabatas ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program o ang Senate Bill No. 1604. Noong Marso, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang inihain ng inyong lingkod.


Sa mga hakbang na tulad nito ay mapapabilis natin ang pagbangon ng buong sektor ng edukasyon at matutugunan ang mga epekto sa mga mag-aaral ng pandemya.


Kabilang din sa inilahad ng Pangulo sa nagdaang SONA ang kahalagahan ng pagpapatatag sa abilidad ng mga mag-aaral na makapagbasa at makapagbilang — bagay na nais ding makamit ng ARAL Program.


Sa ilalim din ng panukala ay makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sistematikong tutorial sessions at mga intervention plan. Sa madaling salita, titiyakin na makatatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang mahahalagang learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kasama ang inyong lingkod sa layuning maiangat ang sektor ng edukasyon at siguruhing walang kabataang mag-aaral ang mapag-iiwanan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page