ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 15, 2024
Masaya tayong ibalita na niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 1604 at House Bill No. 1802). Malaking hakbang ito tungo sa pagpapatupad ng isang epektibong programa sa learning recovery na tutugon sa learning loss ng mga mag-aaral.
Layon ng panukalang batas na magtatag ng learning intervention na magkakaroon ng mga sistematikong tutorial sessions, pati na rin ng intervention plans at learning resources na may maayos na disenyo. Sa ilalim ng naturang panukala, bubuuin ang mga intervention plans at learning resources sa tulong ng mga curriculum at reading specialists. Ipapatupad din ng panukalang programa ang learner-centered approach na sumusuporta at tumutugon sa mga pangangailangan, motibasyon, at asal ng mga mag-aaral.
Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng nasabing bill, iniayon ng inyong lingkod ang panukala para makatulong sa pagtugon sa krisis na kinakaharap ng bansa sa edukasyon, bagay na sinasalamin ng performance ng Pilipinas sa mga international large-scale assessments tulad ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Matatandaan na sa ginanap na 2022 PISA, lumabas na isa ang Pilipinas sa 10 bansa na may pinakamababang marka pagdating sa reading, mathematics, at science.
Isinulong natin ang pagkakaroon ng ARAL Program upang matulungan ang ating mga mag-aaral na nangangailangan ng dagdag na suporta. Kung tuluyang maisabatas ang ating panukala, mapipigilan natin ang pag-urong ng kaalaman at matitiyak nating walang batang maiiwan sa kanyang pag-aaral.
Sasaklawin ng ARAL Program ang essential learning competencies sa reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Bibigyan ng prayoridad ng naturang programa ang reading at mathematics upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga bata. Para naman sa mga estudyante sa Kindergarten, tututukan ang pagpapatatag sa literacy at numeracy competencies.
Saklaw ng ating panukala ang mga magbabalik-paaralan, mga mag-aaral na hindi umabot sa minimum proficiency level sa reading, mathematics at science, at ang mga mag-aaral na hindi pumapasa sa kanilang mga examination o test.
Nag-umpisa ang ideya ng ating panukalang ARAL Program noong kasagsagan ng pandemya sa intensyong mapaigting ang learning recovery kasunod ng epekto ng pandemya. Sa programa, titiyakin na makakatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, sisiguraduhing natututunan nila ang essential learning competencies at maaabot nila ang kanilang mga lesson.
Nagpapasalamat tayo sa ating mga kapwa senador na kasama natin sa pagbuo nitong panukalang batas. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ay titiyakin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang mga kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários