ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 14, 2023
Tatlong world champions at isang sumisibol na bilyarista sa katauhan ni Anthony Raga mula sa Pilipinas ang humakbang sa semifinals ng World Nineball Tour: European Open sa palaruan ng Hotel Esperanto sa Fulda, Germany.
Makakasama ni "The Dragon" Raga sa pagpuntirya sa upuan sa finals ang mga higante ng world billiards na sina "South Dakota Kid" Shane Van Boening (USA; 2022 World 9-Ball Championships winner), David Alcaide (Spain; hari ng 2017 at 2019 World Pool Masters) at ang pambato ng punong-abala na si "The Killer" Joshua Filler (2022 World Games gold medalist at 2018 World 9-Ball Championships ruler).
Nakapasok sa final 4 ang dehadong kinatawan ng lahing kayumanggi matapos kumawala sa galamay ni Wojciech Szewczyk, 10-7. Dikdikan ang duwelong Pinoy - Polish dahil dumaan sila sa mga iskor na 3-3, 5-5 at 7-7. Ang bituin ng Poland ay isa ring pandaigdigang kampeon dahil siya ang umangkin ng trono ng 2022 World 10-Ball Championships. Ang pinakahuling tagumpay naman ni Raga na minsan na ring naging 2nd placer sa malupit na China Open ay nasaksihan sa 2023 Sharks 10-Ball Masters Cup sa Quezon City.
Nauna rito, kasama sa mga nilapastangan ni Raga sa paligsahang magbibigay ng $30,000 sa magkakampeon at $15,000 naman sa runner-up sina double world champion Pin Yi Ko (Taiwan, round-of-32), 2018 World Pool Masters champ Niels Feijen (Netherlands, Losers' Bracket, Round 3), John Morra (Canada, round-of-16), Mateusz Sniegockli (Poland, round-of-64).
Ang mga pangunahing armas ng bansa sa $200,000 na kaganapan na sina 2023 World Cup of Pool champions Johann Chua at Zorren James Aranas ay nasipa na palabas ng torneo. Si Chua ay hanggang round-of-32 lang nakarating habang si Aranas ay napako sa preliminary stage ng palarong umakit ng may kabuuang 128 sa pinakamalulupit na manunumbok mula sa iba't-ibang parte ng globo.
Comments