top of page
Search
BULGAR

Last minute nag-file ng COC sa pagka-senador… WILLIE: TAMA ITONG GINAGAWA KO, MAY BLESSING NI LORD

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Oct. 9, 2024



Showbiz news

Photo: Willie Revillame nag-file ng kanyang candidacy - COMELEC


Marami ang ginulat ng Tutok To Win host na si Willie Revillame nang ituloy nito ang unang naging desisyon na tumakbo sa pagka-senador sa upcoming 2025 midterm elections.


Sa last day ng filing ng Certificate of Candidacy at bago pa ito tuluyang nagsara, sumulpot sa Manila Hotel ang TV host at nag-file ng kanyang COC sa Comelec.


Una na kasing napabalita na hindi na itutuloy ni Willie ang pagpasok sa pulitika dahil masaya na raw ito sa kanyang pagbabalik-telebisyon via Tutok To Win sa TV5.


Ngunit sa artikulo ring lumabas sa PEP.ph kahapon na isinulat ni Jojo Gabinete, sinabi nga nito na sa ganap na 1:30 nang hapon, nakapagdesisyon na si Willie na ituloy ang pagtakbong senador.


"I have mixed emotions," pahayag daw ni Willie habang pinipirmahan ang kanyang COC.

Dagdag nito, “Hindi ito alam ng mga anak ko, ‘di ito alam ng mga kamag-anak ko. Ginagawa ko ito hindi para sa sarili ko.


“Gagawin ko ito para sa mga kababayan natin na akala nila, wala nang pag-asa. Akala nila, puro pangako lang.


“Tutuparin natin lahat,” ang binitawan umanong pangako ni Willie.

Muli ring iginiit ng TV host na, “Ako, wala na akong kailangan sa buhay. Gusto ko lang, gumawa ng kabutihan sa ating mga kababayan, sa mga kapus-palad.”


Pinag-isipan at pinag-aralan daw niyang mabuti ang malaking hakbang na gagawin sa kanyang buhay.  


“Kung ako ay pagkakalooban ng Diyos na mabigyan ng pagkakataon, ‘wag kayong mag-alala, wala sa isip ko, wala sa bokabularyo ang gumawa ng isang bagay na ikagagalit ng lahat at ‘di ko kayang mang-isa ng kapwa.


“Mas masarap ‘yung ikaw ang nagbibigay kaysa ikaw ang humihingi. Mas masarap ‘yung ikaw ang nasasaktan.  


“Masarap na pakiramdam ‘yun kasi ‘di ka makakatulog kung ikaw ang nananakit sa buhay."

Ibinigay ding halimbawa ni Willie ang pagtulong at pagpapasaya na ginagawa niya sa ating mga kababayan. 


“Ang television shows ko, nasa 21 years na ako. For 21 years, wala akong hinangad kundi ‘yung makapagpasaya, makatulong sa mga kababayan natin na mahihirap na walang kapalit.


“Siyempre, malaking bagay ‘yung mga sponsor, kaya kami nakakapagbigay ng mga papremyo na ikaliligaya ng mga kababayan natin na mahihirap.


“At this point and time of my life, siguro, this is the turning point na magsilbi sa buong Pilipinas. Hindi ‘yung sa isang studio lang.”


Naniniwala raw si Willie na tama ang kanyang naging desisyon.


“Basta hindi ako makakatulog kung mangwawalanghiya ako ng kapwa. I am so blessed and I know I am guided by the Lord, kaya tama itong ginagawa ko.


“Kung ako ay hindi naman mapagbigyan ng pagkakataon na manalo, tatanggapin ko. Ibig sabihin, hindi ako para doon.


“If ever naman na mapagbibigyan ako ng pagkakataon ng Panginoon, I will do the best I can. Ano ‘yun? Kabutihan sa ating mga kababayan na nangangailangan.


"Hindi ko na kailangan ng anupaman sa buhay ko. Gusto ko lang, good health — ako, sa mga anak ko, sa pamilya ko, sa mga mahal ko sa buhay — para mahabang panahon ako na makapagsilbi ng kaligayahan. At siyempre, tulong na abot-kaya ko, kasama siyempre ang ating pamahalaan.”


Diin niya, “Again, this is it. Mahal ko ang mga kababayan ko na nangangailangan. Mabuhay!” 


Tatakbo si Willie Revillame bilang independent candidate at aniya, gusto niyang tutukan ang libreng edukasyon at karagdagang discount ng mga senior citizens at PWDs bilang pribilehiyo na mula sa 20% ay gawin itong 30%.


Malaki at lubos ang pasasalamat ni Willie Revillame kay TV5 Chairman Manny Pangilinan dahil suportado nito ang kanyang kandidatura.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page